Relief efforts ng Kapuso Foundation, naabot ang isolated areas
Patuloy ang relief efforts ng GMA Kapuso Foundation (GMAKF) sa mga kababayang nasalanta ng Bagyong Kristine. At sa tulong ng Philippine Air Force at Malacañang ay nagawa na ring marating ng Kapuso Foundation ang ilang isolated areas na lubos na naapektuhan ng bagyo.
Noong October 26, nakapagpamahagi ng relief goods ang GMAKF sa Albay para sa tinatayang 4,000 indibidwal.
Kinabukasan (October 27), nagtungo ang GMAKF sa Barangay Pantao sa Libon, Albay para hatiran ng tulong ang tinatayang 1,200 pamilya o 4,800 indibidwal. Isa ang baranggay na ito sa mga kasalukuyang isolated places dahil sa naranasang apat na landslides.
Sa parehong araw, nagtulung-tulong ang mga sundalo, pulis, at residente ng Bula, Camarines Sur para magbigay ng relief goods sa mga apektadong pamilya. Nagkaroon naman ng feeding program sa Minalabac, Camarines Sur para sa 500 indibidwal.
Samantala, ipinadala ng GMAKF ang mga donasyong pet food at vitamins sa isang animal rescue center sa Tabaco, Albay.
Tuluy-tuloy pa rin ang airlifting operations ngayong October 28 para maipamahagi pa ng GMAKF ang tatlong toneladang relief goods sa mga naninirahan sa mga liblib na lugar sa Albay.
Naging kaagapay rin ng Kapuso Foundation ang Cebu Pacific Air para makarating ang mga donasyon mula Maynila patungong Bicol International Airport sa Daraga, Albay.
Bukas ang GMA Kapuso Foundation sa mga nais magbigay ng donasyon. Maaaring mag-deposito sa mga bank account ng GMA Kapuso Foundation o magpadala sa Cebuana Lhuillier, at via online sa pamamagitan ng GCash, Shopee, Lazada, Globe Rewards, at Metrobank Credit Card.
- Latest