Award-winning docu series ni Loren Legarda, mapapanood na sa BNC
Mapapanood na sa Bilyonaryo News Channel (BNC) ang award-winning documentary series Dayaw ni Senator Loren Legarda.
Nagsimula na noong Sabado, Oktubre 26, (na mapapanood tuwing Sabado) iniimbitahan ng Dayaw ang mga manonood na sumama sa paglalakbay sa mga makukulay na tanawin ng Philippine cultural heritage.
Proyekto ito ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na naging posible dahil sa matatag na suporta ni Legarda mula nang ilunsad ito noong 2015.
Bida rito ang mga katutubo ng bansa, kanilang mga kaugalian, ritwal, tradisyon at mahalagang papel sa paghubog ng Filipino cultural fabric.
Sa bawat episode, ginagabayan ni Senator Legarda ang mga manonood sa pamamagitan ng mga kaugalian at gawi na nagbubuklod sa mga katutubong pamayanan, na nagpapakita ng kanilang malalim na paggalang sa kalikasan, katatagan at mga survival method na patuloy na nagpapayaman sa kanilang buhay.
Mula sa tradisyonal na palakasan at wika hanggang sa masiglang sayaw, ritwal at pagluluto, binibigyang-diin din sa Dayaw ang kahalagahan ng paggalang sa mga kasanayang ito upang matiyak ang isang pamana ng kultura para sa mga susunod na henerasyon.
Nagmula sa salitang nangangahulugang “ipresenta o isuot nang may pagmamalaki,” ang Dayaw ay angkop na kumakatawan sa misyon nito na itaguyod ang diwa ng Pilipino, na nagbibigay-diin sa kagandahan, dignidad at katatagan ng katutubong pamana.
Saksihan ang mga kuwento, hamon at katatagan ng mga katutubong komunidad at magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa ating pamana sa Bilyonaryo News Channel, na available sa BEAM TV 31 (maa-access sa pamamagitan ng digital TV boxes sa Metro Manila, Cebu, Davao, Iloilo, Baguio, Zamboanga, at Naga), Converge Channel 74 at sa Cignal Channel 24.
- Latest