Uninvited ni Vilma, iniintriga na ‘di pa tapos; mga laglag sa magic 10 ipapasok sa Summer Filmfest
Maaga pa lang ay ang dami nang naghuhulaan kung alin sa mga finished film ang makapapasok sa lima pang official entries sa 50th Metro Manila Film Festival,
Bago pa nagsimula ang announcement na ginanap sa Podium Hall kahapon, naririnig na naming pasok ang Espantaho nina Judy Ann Santos at Lorna Tolentino, ang Uninvited ni Vilma Santos, Hold Me Close ng Viva Films nina Carlo Aquino at Julia Barretto, ang Topakk ni Arjo Atayde at ang My Future You ng Regal nina Francine Diaz at Seth Fedelin.
Tumugma nga ang nakuha naming leakage, at wala namang komontra.
Kahit nakukuwestiyon at naiintriga ang pagpasok ng Uninvited ni Ate Vi, dahil hindi pa rin daw talaga ito tapos na tapos ay wala namang kumontra.
Ang sabi ng ilang napagtanungan namin, rough edit nga raw ang isinumite nila na parang mahigit isang oras lang daw ang itinakbo ng pelikula. Pero na-impress na raw sila sa pagkagawa ni direk Dan Villegas.
Kaya kahit kuwestiyunin pa ito, hindi mo naman puwedeng kuwestiyunan ang cast na may Vilma Santos, at may Nadine Lustre at Aga Muhlach.
Si Mon Confiado ang nasa cast ng Espantaho ang nakadalo sa announcement ng lima pang entries at sobrang proud daw siya sa pelikulang ito dahil nadirek ulit siya ni direk Chito Rono.
Nauna nang sinabi ni direk Chito na sobrang nahirapan siya sa pelikulang ito technically, kaya baka ‘di na raw niya kakayaning gumawa uli ng horror film. At baka itong Espantaho na raw ang huling horror film na gagawin niya.
Samantala, aminado ang mga nasa Executive committee ng MMFF na nanghihinayang sila sa mga hindi napili. Ang dami pa raw na magaganda. Kaya naisipan nila ngayong magkaroon uli ng Summer Metro Manila Film Festival sa taong 2025.
Sabi ng MMDA Chairman Atty. Don Artes; “Sa 31 finished film entries, lima lang po ang pipiliin at 26 po ang hindi makakasama sa 50th edition ng MMFF.
“Kanina po nag-uusap kami ng aming team. Ang sabi po nila, para po mabigyan pa rin ng venue iyun pong mga pelikulang hindi makakalahok dito sa 50th edition namin, titingnan po namin kung kaya pa na makapag-mount tayo ng another Summer Film Festival.”
Sana nga matuloy ito, dahil nakakapanghinayang ang ibang pelikulang makipagsapalaran sa ibang playdate.
Pero ngayon pa lang ay may mga ibang pelikulang naligwak sa selection committee ng MMFF na kumukuha ng ibang playdate.
Pagkatapos ng inaasahang blockbuster hit na Hello, Love, Again na magso-showing na sa November 13, meron mga naka-schedule sa November 27 playdate.
Sana maganda naman ang magiging resulta nito.
Kokoy, nagulat sa topakk
Ang suwerte ngayong MMFF ay ang Kapuso actor na si Kokoy de Santos dahil dalawa ang pelikula niyang kalahok sa ngayong filmfest.
Dumalo siya sa announcement kahapon para sa pelikulang And The Breadwinner is…ni Vice Ganda. Pero nagulat siya nang in-announce na pasok din sa finished films ang Topakk ng Nathan Films ni Cong. Arjo Atayde.
Nagulat daw siya nang nakita niya si Sylvia Sanchez at tinawag nga ang Topakk.
Mabigat din ang role ni Kokoy sa pelikulang iyun. “Siyempre ako sobrang blessed. Magkaroon lang ng isa, mapasama ka lang sa isang entry ‘di ba? Mapasama lang ang proyekto at maging parte ka pa nun, sobrang blessing na yun. “Actually, na-surprise talaga ako kasi hindi ko ini-expect na mapasama pala ang Topakk. Pumunta ako rito para sa Breadwinner talaga…tapos nagulat ako na nandito rin…parang may kilig e.”
Dapat nga ay kasali rin si Kokoy sa Green Bones, pero hindi pala siya natuloy dun, dahil nagka-conflict na raw sa schedule.
Kung nagkataon, tatlong MMFF entries pa sana siya kasali.
Ayaw pa kaming sagutin ni Kokoy kung saang float siya sasakay.
Nangako naman ang aktor na tutulong siya sa promo ng dalawang pelikula.
- Latest