Andi, nagparamdam sa puntod ng ina!
Binisita ni Andi Eigenmann at anak na si Ellie Ejercito ang tomb ni Jaclyn Jose sa birthday ng late veteran actress. Pinost ni Andie ang dala niyang flowers at may caption siyang “I feel you always through family.”
May mga comment lang ang netizen na hindi naman siguro ikagagalit ni Andi. May nagsabi kasing ngayon lang na-appreciate ni Andi ang mom niya, kung kailan wala na ito. Noong buhay pa raw si Jaclyn, hindi siya madalas madalaw ni Andi na understandable dahil sa Siargao na siya nakatira with her family.
Binalikan ng netizen ang interview kay Jaclyn na sinabing hindi nga siya madalas madalaw ni Andi. Si Jaclyn daw mismo ang nagsabi noon at tingin nila, may regrets si Andi na hindi nabibisita ang mom niya noong buhay pa ito.
Marian, nagpaliwanag sa pagiging ‘teacher’
Nire-repost ni Marian Rivera ang post ng moviegoers na nagpapakita na sold out ang tiket sa mga sinehan kung saan showing ang Balota na kundi man sold out, almost sold out ito.
Kaya, panay ang pasasalamat ng actress sa mga matiyagang nagpo-post at ibinabalitang sold out ang bawat screening ng nabanggit na pelikula. Pati ang review ng moviegoers na dinirek ni Direk Kip Oebanda, nire-repost ni Marian.
And yet, may mga basher pa rin na kinukuwestiyon kung bakit may special discount ang teachers at students. Magpakita lang ng valid ID at P150.00 lang ang kanilang babayaran.
Comment ng bashers, bakit kung kailan showing na ang movie, saka sinabing may discount for teachers and students.
Obvious na hindi updated ang nagsabi nito dahil before the showing, in-announce nang may ibibigay na discount for the teachers and students.
Ganoon pa man, sinagot ni Marian ang mga nagtanong kung bakit may special price ang mga teachers at students. “Sa mga nagtatanong kay Teacher Emmy narito ang kasagutan.. Bakit nga may special price ang ilang sinehan para sa estudyante at guro? Day 1 pa lang nandyan yan.
“Ang Balota ay ginawa namin para makatulong sa lipunan. At naniniwala kami ( na nasa movie rin) sa kakayahan ng mga guro at estudyante para humubog ng mas magandang bukas para sa Pilipinas. Kita rin sa reactions ng mga teacher na nakapanood na na-inspire sila at nakita nila ang sarili nila kay Teacher Emmy. Kaya nga halos triple ang nanood noong Sabado, nadagdagan ang screening time at dumarami ang nanonood araw-araw.
“Ang pelikula ay mahalagang bahagi ng ating kultura at sining. Palawakin sana natin ang ating isip tungkol sa pag-appreciate nito.”
Anyway, sinamahan ni Dingdong Dantes si Marian sa cinema tour nito at ni Direk Kip sa ilang selected cinemas.
Carla, ‘di marunong magluto
Nag-react si Widows War aktres Carla Abellana sa nabasang quote card na nakasabit sa isang private car. Pinost ni Carla ang quote card na ang sabi, “Ang babaeng di marunong magluto ay maghanap ka ng lalaking di marunong kumain!”
Comment ni Carla, “Tsk tsk. Mas nagising ako dito kesa sa kapeng iniinom ko.”
Sabi ng isang netizen, ang daming restaurant, carinderia na puwedeng mag-order ng take out para hindi magutom. Saka, basta hindi lang maghanap nang fine dining cuisine ang mapapangasawa ng isang babae, hindi siya magugutom.
Marunong naman sigurong magprito ng itlog si misis? Saka, may mga de-lata na mabibili.
Anyway, matagal pa malalaman ang killer sa Widows’ War dahil extended ang series up to January next year.
- Latest