Rey Valera, tumatambay sa sari-sari store, ‘pag bumibili ng bagong kotse
May sekreto ang OPM icon na si Rey Valera kung bakit pakiramdam niya ay hindi siya nawawala sa showbiz.
Humility at pagiging grounded.
Dalawa lang nga ‘yan sa mga sekreto ng OPM icon.
Actually ganundin si Marco Sison.
Sa ginanap na mediacon para sa concert ng dalawa, ang Ang Guwapo at Ang Masuwerte, na nakatakda sa November 22 sa Music Museum, ibinahagi ni Rey ang ginagawa niya para hindi umakyat sa ulo ang kasikatan at tagumpay.
Anang dating judge ngTawag ng Tanghalan : “Aaminin ko na sa inyo na kahit ano ‘yung success na natanggap ko, hindi ko hinahayaan na umikot sa ulo ko ‘yung… nakabili ako ng sasakyan, takbo agad ako sa tindahan, dala-dala ko ‘yung bagong sasakyan. Bibili ako ng Sky Flakes para lang ipaalala ko sa sarili ko na, ‘huy, tapak ka sa lupa.’
“Totoo ito. Kahit na galing ako sa show na napaka-successful at feeling ko sikat na sikat ako, feeling ko guwapung-guwapo ako, takbo agad ako du’n sa tindahan.
“For a while, magyoyosi lang ako, kakain ako ng Sky Flakes para ma-tone down at ibaba ka ulit sa, you know, sa reality. Ganu’n. Siyempre nu’ng wala, mahirap ka, ‘yun ang kinakain mo, eh. It reminds you of where you came from. And kahit paano, naaano ka, eh, nare-remind ka, na lahat ng ‘yan, and’yan, pero ‘wag mong (iaakyat sa ulo mo),” mahabang kuwento ng isa sa mga haligi ng Original Pilipino Music (OPM)
“Kumbaga, grounded ka pa rin,” hirit naman ni Marco.
Importante rin daw na marunong kang tumanaw ng utang na loob sa mga fans at sa mga taong nakatulong sa ’yo. “Malaking porsiyento ng swerte ang ugali,” diin ni Marco.
Bilang mga beterano na sa industriya, bukas sila sa pakikipagtulungan sa mga bagong talento na nangangarap ding sumabak sa pagkanta.
Katunayan, dalawang bagong singers, sina Andrea Gutierrez at Elisha, ang guests nila sa Ang Guwapo at Ang Masuwerte.
Sina Andrea at Elisha ay talents ng concert producer nina Rey at Marco na Echo Jham Entertainment. At nakipag-partner si Rey sa Echo Jham sa paggu-groom kina Andrea at Elisha.
“‘Yung dalawang batang ‘to, ginagawan ko ng kanta,” kuwento pa ni Rey.
Handa umano siyang gumastos ng sariling pera para ma-promote ang dalawa, ganundin ang dating Sing Galing winner na si Mari Mar Tua, na talent din ng Echo Jham.
“Kapag tuluy-tuloy na siya, ‘di malayo kukuha (kami) ng bagong artists na ganyan,” patuloy ng OPM hitmaker.
Samantala, ang tickets para sa Ang Guwapo at Ang Masuwerte ay available na sa Ticket World at Music Museum. Ito ay nasa ilalim ng direksyon ni Calvin Neria.
- Latest