Lorna, hindi apektado na second choice
Inilabas na ng Quantum Films ang buong cast ng pelikulang Espantaho. Ito ang horror film na tandem dapat nina Vilma Santos at Judy Ann Santos.
Hindi na natuloy si Ate Vi at ang ipinalit ay si Lorna Tolentino.
Ipinost na ni Atty. Joji Alonso ng Quantum ang kanilang cast reveal kagabi.
Nasa caption nito, “Every family has its secrets. Some, more sinister than others.
“On its 20th year, Quantum Films, in cooperation with Cineko Productions and Purple Bunny Productions, proudly present a powerhouse ensemble in a horror movie event by award-winning writer Chris Martinez and helmed by master director Chito S. Roño.”
Bukod kina Judy Ann at Lorna, bigatin din ang mga artistang sumuporta sa film project na ito, na sina JC Santos, Chanda Romero, Mon Confiado, Nico Antonio, Donna Cariaga at Janice de Belen.
May special participation din sina Eugene Domingo at Tommy Abuel.
Sandali naming nakausap si Lorna at walang isyu raw sa kanya ng second choice siya sa pelikulang ito.
“Ang dami ko namang magagandang nagawa na second choice lang ako.
“’Yung Moral, si Amy Austria dapat dun, pero hindi siya pumuwede ako ang ipinalit.
“’Yung Sinasamba Kita, hindi talaga ako dun. Hindi ko na maalala, kung sino ‘yung bagong star dun e na isama kay Ate Vi. Pero hindi natuloy ‘yun, ako ang ipinalit. Okay lang talaga kahit second choice ka,” pakli ni Lorna.
Hindi pa raw sila nagkausap ni Ate Vi, pero alam naman niyang okay lang ‘yun sa Star For All Seasons.
“Kaya ako sinasabi ko lagi, ‘thank you Ate Vi, thank you talaga, Ate Vi,” napapangiting pahayag ni Lorna.
Tuluy-tuloy ang shooting nila ngayon na naisisingit niya sa taping ng Ang Batang Quiapo.
Hindi pa nila masagot kung ihahabol ba nila ito sa submission ng finished films para sa Metro Manila Film Festival.
Medyo madugo talaga ang pelikula at binusisi nang husto ni direk Chito Roño. Pero sana umabot sa deadline ng MMFF, at sana makapasok ito.
MV, payag pahipo
Nakakatuwa ang suportahan ng talents ng Viva Films, lalo na itong sa Vivamax na nasaksihan namin sa launching ng grupong Magic Voyz ng Viva Artists Agency.
Inilunsad sila sa Viva Café noong Martes ng gabi, at ipinakilala ang pitong members na sina Jhon Mark Marcia, Juan Paulo Calma, Mhack Morales, Rave Obado, Jace Ramos, Ian Briones at Johan Shane.
Sa launching na ‘yun ay sinuportahan ng mga Vivamax artists kagaya nina Robb Guinto, Marian Saint, at iba pang hindi ko maalala ang pangalan.
Itong Magic Voyz ay binuo ni Lito de Guzman na nagtiyagang ipa-train sa pagkanta at pagsayaw ng ilang buwan.
Ilan sa alam naming pelikula nila ay ang Tatsulok (Tatlo Magkasalo) at Tahong na pinagbidahan ni Jhon Mark Marcia para sa Vivamax.
Thankful si Jhon Mark kay direk Joel Lamangan, dahil idinirek siya sa pelikulang Sisid Marino.
Pagkatapos daw nu’n na naidirek siya ni direk Joel, sunud-sunod na raw ang mga ginagawa niyang pelikula.
Ang isa pang member ng naturang grupo na may pelikula ay si Juan Paulo Calma. Lead actor siya sa pelikulang Kiskisan para rin sa Vivamax.
May kuwento rin siya sa pelikulang ‘yun na sobrang nangati raw siya dahil talagang nag-shoot sila sa kiskisan.
Dumadami na ang bookings sa Magic Voyz na naiimbitahan na sa mga event sa probinsya.
Natutuwa raw sila na ang daming natutuwa sa kanilang mag-perform, at okay lang daw kung nahihipuan sila ng mga bading kapag nagpe-perform sila.
- Latest