Film industry month binuksan ng Aguila; Piolo ‘nakita’ kay Christopher
Binuksan na noong Linggo, Sept. 1, ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang 4th Philippine Film Industry Month (PFIM) sa pamamagitan ng tribute sa National Artist for Film na si Eddie Romero na ginanap sa Metropolitan Theater.
May temang “Tuloy ang Tradisyon ng Pelikulang Pilipino,” ipinagdiwang dito ang pamana ng pelikulang Pilipino.
Isang libreng screening ng critically film ni Mr. Romero noong 1980, Aguila, na sinamahan ng isang mini-exhibit na nagpapakita ng kanyang mga kontribusyon sa industriya, minarkahan ang pagsisimula ng isang buwang pagdiriwang.
In his opening remarks, sinabi ni FDCP Chairperson and CEO Jose Javier Reyes ang kahalagahan ng pagpaparangal sa mga Pambansang Alagad ng Sining sa paghubog ng kinabukasan ng paggawa ng pelikulang Pilipino : “Sa pagbibigay halaga sa mga obra ng mga National Artist, mauunawaan natin kung ano ang maaaring direksyon ng pelikulang Pilipino at ng susunod na henerasyon ng manlilikha ng pelikula.”
Si Jeffrey Sonora, Vice President ng FPJ Productions, ay nagbahagi ng mga pananaw sa restoration process ng Aguila sa pakikipagtulungan ng Philippine Film Archive (PFA), upang tiyakin na ang obra ng National Artist ay nananatiling accessible sa mga susunod na henerasyon.
Ang screening ay dinaluhan ng mga kaanak ni Romero, kabilang ang beteranang aktres at miyembro ng cast ng Aguila na si Chanda Romero.
Star-studded ang Aguila starring Eddie Garcia, Fernando Poe Jr., Christopher de Leon, Charo Santos, Elizabeth Oropesa, Aga Muhlach at marami pang iba.
Ang pelikulang ito ang sinasabing pinakamalaki at pinakamalawak na pelikulang Pilipino noong 1980, na may budget na P5 milyon.
At ang bata ni Christopher sa pelikula.
Para pala siyang si Piolo Pascual noon. Sa tindig at kahit sa pag-arte.
Nakakatuwang panoorin na noon pa ay kaya na nating gumawa ng ganitong pelikula na naghahatid ng isang kuwentong pagbuo sa kasaysayan ng Pilipinas, mula 1890s hanggang 1970s.
MTRCB, ni-reclassify ang alipato at muog sa second review
Binigyan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng Restricted-16 (R-16) rating ang documentary film na Alipato at Muog kasunod ng ginawa na ikalawang pagsusuri sa naturang pelikula.
Ang Alipato at Muog ay kuwento ng nawawalang activist na si Jonas Burgos na dinirek ng kanyang kapatid na si JL Burgos.
Binubuo ang komite mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na kinabibilangan nina Atty. Gaby Concepcion, Atty. Paulino Cases, Jr., producer sa pelikula at telebisyon na si JoAnn Bañaga, executive at music producer na si Eloisa Matias, at ang retiradong guro na si Maria Carmen Musngi.
Paliwanag ng komite, binibigyang konsiderasyon nila ang kahalagahan na mabalanse ang interes hindi lamang ng malayang pagpapahayag kundi maging ang interes ng bansa sa pagpapanatili ng integridad nito at ng kaayusan ng publiko.
Bukod dito, ipinaliwanag din nila na kinakailangan ang mas malawak na pag-iisip para maintindihan at maunawaan ang mga seryosong usapin na nais ipakita ng dokumentaryo, habang tinitiyak na hindi malalagay sa alanganin ang paniniwala at kumpiyansa ng manonood sa pamahalaan.
Ang R-16 ay para lamang sa mga edad 16 pataas.
Samantala, nilinaw ng MTRCB na habang suportado nito ang mga pelikula at programa na ipinapalabas sa mga kolehiyo at pamantasan na siyang nagsisilbing plataporma pagdating sa pagpapahalaga ng mga pelikula, kinakailangan din na maintindihan ng publiko na ang public exhibitions ng mga pelikula sa paaralan ay nananatiling sakop ng mandato ng MTRCB.
Susog ito sa Section 7 ng Presidential Decree No. 1986 at sa umiiral na Implementing Rules and Regulations (IRR) kung saan, tanging ang mga pelikula, TV program at pampublikong materyal na direktang iniimprenta o pinapalabas ng pamahalaan o ng mga ahensya ng gobyerno ay malaya at hindi na kinakailangan pang suriin o klasipikahin ng MTRCB
- Latest