Komprontasyon nina Jodi, Janine, at Jericho, pasabog!

Lavender Fields stars
STAR/File

MANILA, Philippines — Pasabog na acting showdown ang handog nina Jodi Sta. Maria, Janine Gutierrez, at Jericho Rosales sa pagsasama-sama ng ilan sa mga pinakamalalaking artista sa Pilipinas para sa Kapamilya teleseryeng Lavender Fields, na unang mapapanood sa Netflix at iWantTFC bago ito ipalabas sa TV simula Setyembre 2.

Magiging available ito sa Netflix 72 oras (Agosto 30) bago ito umere sa telebisyon, habang mapapanood din ito sa iWantTFC app o website 48 oras (Agosto 31) bago ang TV premiere nito.

Isa sa mga pinaka-inaabangan sa Lavender Fields ay ang powerhouse cast na pinangungunahan nina Jodi, Janine, at Jericho kasama ang Philippine drama icons na sina Albert Martinez, Edu Manzano, Jolina Magdangal, at Maricel Soriano, at ang new gen actors na sina Jana Agoncillo, Krystal Mejes, Miguel Vergara, at Marc Santiago.

Susundan ng kwento nito si Jasmin (Jodi), isang simpleng dalaga na mai-inlove ng bonggang-bonga sa isang gwapong accountant na si Arthur/Tyrone (Jericho) at mauuwi ito sa pagbubuntis ni Jasmin.

Subalit, mauudlot ang kanilang relasyon at matutuklasan na may asawa na pala si Arthur. Dahil naman sa naging relasyon nina Jasmin at Tyrone, makakaranas si Jasmin ng sunud-sunod na paghihirap sa pangunguna ni Iris (Janine), ang misis ni Tyrone.

Mawawala ang lahat kay Jasmin, pati na rin ang pinakamamahal niyang anak. Habang ngitngit sa galit at sa paghahanap ng hustisya, unti-unting makakabangon si Jasmin at magbabagong-anyo bilang si Lavender Fields upang singilin ang mga sumira sa kanyang buhay.

Hanggang saan ang kayang isakripisyo ni Lavender upang mabawi ang lahat ng nawala sa kanya? Ano pang gulo ang naghihintay kina Tyrone, Iris, at Lavender sa pagkakasangkot nila sa isa’t isa?

Makakasama rin sa powerhouse cast sina Victor Neri, Bernard Palanca, Soliman Cruz, Biboy Ramirez, Thou Reyes, Race Matias, Justine Luzares, Pamu Pamorada, Alex Diaz, Eric Nicolas, Benj Manalo, Cheena Crab, Kate Alejandrino, Analain Salvador, Jonic Magno, Yesh Burce, at may special participation ni Lotlot de Leon. Mula naman ito sa direksyon nina Emmanuel Q. Palo at Jojo Saguin.

Panoorin ang Lavender Fields sa Netflix na nagsimula kahapon, Agosto 30, at sa iWantTFC simula ngayong araw. Mapapanood din ito sa TV gabi-gabi ng 9:30 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng Lavender Fields. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel sa cable at IPTV.

Show comments