Coco, bibili ng property sa Spain
Puspusan ang taping ngayon ng Ang Batang Quiapo dahil mag-a-abroad pala si Coco Martin.
Hindi lang sinabi kung saang bansa sa Europe, pero ang duda namin ay sa Spain, na kung saan ay pinuntahan din nila noon ni Julia Montes.
Bandang end of August daw ang alis ng aktor at malamang kasama si Julia.
Ang isa sa narinig namin, may binibiling property si Coco sa Spain.
Maaaring bahay ito para sa kung ano mang plano nila ni Julia.
Kung totoo man ito, naintindihan namin ang Kapamilya Primetime King, dahil minabuti niyang tahimik at pribado lang ang personal na bagay.
Kung ano man ang matagal nang kuwento noon kina Coco at Julia, maaring mas gusto nilang tahimik na lang at ihiwalay ito sa kanilang showbiz life.
At karapatan naman nila iyun.
Sa ngayon ay halos araw-araw na nagta-taping ang buong team ng Batang Quiapo dahil ilang araw din mawawala si Coco.
Medyo may pressure pa sa kanila ngayon dahil madalas pa silang nagte-trending.
Natatawa nga si Cherry Pie Picache nang pinag-usapan namin ito sa story conference ng pelikulang Fatherland nila ni Direk Joel Lamangan.
Kasama rin nila sa pelikulang ito si Mercedes Cabral, kaya natatawa na lang sila nang nagsama-sama silang tatlo sa storycon ng naturang pelikula.
Bilib lang si Cherry Pie kay Coco Martin dahil talagang ang dami raw nitong naiisip para lalong pag-usapan at subaybayan ang kanilang teleserye.
“Napaka-brilliant naman kasi ni Direk Coco (Martin),” pakli ni Cherry Pie.
“I mean di ba? Si Coco talaga eversince has been a creative person. Ang pinakakinabibilib ko, talagang…walang pagod, di ba?
“Sobrang sipag na tao,” sabi pa ng premyadong aktres.
Ang maganda pa raw nakipag-collaborate sa kanila si Coco, at tinatanggap niya ang suggestions nilang lahat.
Julia, may kampanya sa pagkain ng baboy
Hands-on pala talaga sa pagluluto si Julia Montes, at ang daming naaliw sa ipinost niya sa kanyang Instagram kamakailan lang na nagluto talaga siya ng lechon.
Nakiisa lang si Julia sa campaign ng ilang celebrities tungkol sa pagkain ng baboy.
“Pork is fun!” bulalas ng Eddys Best Actress.
Bumaba kasi ang bentahan ng baboy dahil sa ASF o African Swine Fever.
Marami sa mga hog-raisers na talagang apektado ang kabuhayan dahil sa sakit na ito na umatake sa mga baboy.
Talagang apektado sila dahil natakot na rin ang mga consumer na bumili ng baboy at mas pinili na nilang kumain ng manok at isda, pati ang gulay.
Gustong tulungan ni Julia ang mga nag-aalaga at nagtitinda ng baboy na talagang naapektuhan ng ASF.
Pero sabi nga ni Chester Warren Tan, ang president ng National Federation of Hog Farmers, wala na raw dapat ipag-alala dahil safe na raw ngayon kumain ng baboy.
Safe raw ang nabibiling baboy sa mga supermarket dahil tiniyak nilang dumaan ito sa national meat inspection.
“I love to eat lechon, so huwag po tayong matakot kumain ng Pinoy pork, because pork is fun,” sabi pa ni Julia Montes.
Naniniwala si Julia na babalik ang interes ng mga tao sa pagkain ng baboy.
- Latest