Sanya, nakahuli ng poser
Nabiktima rin pala si Sanya Lopez ng isang scammer na gumagamit ng pangalan niya para makahingi ng donasyon.
Nagbabala ang aktres sa scammer na nagpapanggap na siya para makapanloko.
Ipinost niya ang mga screenshot ng usapan ng netizen at scammer gamit ang messaging app na Viber. Humihingi ang scammer ng donasyon para raw makatulong sa mga Aeta at nomads sa Zambales at bibigyan daw nila ito ng saku-sakong bigas at relief goods.
Caption ng kapatid ni Jak Roberto ay nilagay niyang “scam alert” at nagpaalalang huwag agad-agad maniniwala sa mga ganung mensahe dahil hindi raw siya iyon.
Nag-post naman siya ng isang video bilang paglilinaw na hindi siya ang nagpapadala ng mga mensahe na iyon. At inulit din niyang huwag magbigay agad-agad ng tulong. Payo pa niya sa lahat ay kung meron mang magpadala ng ganitong mensahe ulit ay tawagan at i-video call ito at kailangang mukhang-mukha niya para masiguro kung sino ang totoong kausap.
Samantala, may isa pang post si Sanya kung saan ni-repost niya na may isa pang netizen ang nagsabing nakatanggap din siya ng mensahe galing sa aktres sa parehong messaging app. At nakakuha rin daw siya ng mensahe sa ibang mga celebrity at influencer.
Mabuti na lang at nabuking din agad ang scammer dahil sa tinawag nito sa netizen na mukhang malapit sa aktres.
Kaya kailangan talagang i-double check kung sino talaga ang kausap dahil talamak ang mga scammer ngayon na ginagamit ang iba’t ibang celebrity para makapanloko.
- Latest