Caloy dedma sa P5 milyon ni Chavit
Ipakita mo na role model ka
Dedma pa pala si Paris Olympic double gold medalist Carlos Yulo sa P5 million incentives ni former Ilocos Gov. Chavit Singson. Kapalit nga ng P5 M ang pakikipag-ayos ni Carlos sa kanyang pamilya.
Kaya ang hamon ng pulitiko / negosyante, “Ipakita mo na role model ka,” nang makausap ng entertainment media sa grand opening ng 11th branch ng BBQ Chicken resto sa Festival Mall, Alabang kahapon.
Nauna nang nakausap ng dating pulitiko ang pamilya ni Carlos. “Sampu lahat sila. Nanay, tatay niya, mga kapatid niya. ‘Di na raw nila makontak. So nakiusap ako kay Caloy kung marinig man niya, pamilya mo muna dahil wala ka naman dyan kung hindi sa kanila. So ako, hindi sa nakuha mong gold kako, ‘yung ibibigay kong 5 milyon dagdag lang sa pamilya n’yo, sa’yo rin. Pero gusto kong magbati silang pamilya,” paliwanag pa ni Mr. Singson.
Dagdag niya pa, ipakita rin ni Carlos bilang isang idolo na importante ang pamilya. “Walang maka-contact sa kanya, eh. Pero kinu-contact ko na siya kaya nakikiusap ako kay Caloy na ipakita niya na ngayon champion siya, naka-gold, ipakita niya na siya ang ano, role model, of the family. Eh, ‘di maganda ‘yung pinapakita niya kung hindi siya makipag-reconcile sa pamilya,” dagdag pa ng dating gobernador.
Kilalang tagasuporta ng mga atletang Pinoy tulad ng world boxing champ na si Manny Pacquiao, ang pinaka maipapayo raw niya kay Caloy ay, “Kung anuman ang nangyari sa kanila, kalimutan na niya. Nasa sampung bilin ‘yon ng Diyos, respect thy father and thy mother.”
“At inulit niya muli ang pakiusap kay Caloy: “Caloy kung nakikinig ka man, nakikiusap ako, kausapin mo pamilya mo, ’wag mo na sila pahirapan dahil ‘yang gold na nakuha mo, hindi lang para sa ‘yo kundi para sa lahat, specially your family. Wala kang pinanggalingan kung hindi sa mga family mo. Kung ano ang mga nangyari, patawarin mo na sila. Bilin din ng Diyos ’yan, forgive your… Magbati lang sila, okay na, bigay ko sa kanya P5 million,” pahayag pa ng dating governador na nagsabing naawa siya sa ama ni Caloy nang mapanood itong kahalo ng mga fans sa parada.
Samantala, nagsalita rin siya tungkol sa kontrobersya sa animal maltreatment nang nag-viral ang isang video ng lion na sinasampal ng care taker para magising at maka-selfie ng mga namamasyal sa Baluarte Zoo.
“Hindi naman totoo ‘yun. Ang lion mukhang inaantok kasi talagang puyat ‘yang mga ‘yan ‘pag gabi sumisigaw, nagsisigawan sila. Kaya talagang inaantok ‘yung mga lion. Pero ‘yung lalaki na sabi nila na sinampal niya, pinatanggal ko agad. Hindi lang isa ‘yun mortal sin sa Baluarte, sa akin ‘yan kapag may nag maltrato ng [hayop]. Sabi niya laro lang naman nya ‘yun. Hindi naman niya sinaktan.”
Kamusta po ‘yung mga alagang hayop po doon?
“Mabuti naman lahat sila. Awa ng Diyos wala pang kinakain na tao,” sabay tawa nito.
Ni-repost ni Nadine sa kanyang Instagram Story ang post ng animal rights group na Animal Kingdom Foundation (AKF) na umalma sa hindi raw magandang pagtrato sa lion. “You probably don’t know this but most of the time, big animals in zoos are drugged or physically threatened so they stay calm enough so people can take photos with them,” caption ni Nadine sa IG.
Ayon pa sa aktres ay mas magiging masaya ang mga hayop kung nasa labas at hindi nakakulong at ginagawang entertainment.
Anyway, ‘yung Vagabond 2 po? Kasi parang sinisingil na kayo ng mga fans.
“Tutuloy ‘yun, Vagabond.” Ito ay kahit daw busy si Bae Suzy.
“Mahaba naman ‘yung istorya nun eh so kung busy ‘yung babae meron namang iba dyan or hintayin nila. Marami namang ibang gagawin pa sa istorya.”
Ayon sa kanya, inaayos lamang ang istorya para mas lalo pa itong mapaganda. Dito sa ’Pinas kukunan ang serye kasama ang ilang Pinoy actors.
“Kasi ang ano roon kailangan kumpleto eh para tuluy-tuloy ‘yung shooting. Hindi kagaya nung walang istorya, hindi alam saan pupunta. Kaya maingat sila dahil maganda ‘yung nangyari, tapos pangit ‘yung karugtong kaya ginagawan nila ng istoryang maganda.”
Kausap na rin daw niya ang South Korean-American actor Ma Dong Seok na gagawa rin daw ng pelikula sa bansa. “Tapos may isa pang popular actor in Korea gagawa rin ng pelikula rito. At meron ding Hollywood na pupunta rito. Dito rin gagawin. Ayun kino-contact ko lahat para sa ating bansa,” sabi niya pa sa mga kausap na entertainment media.
Samantala, target ng pamilya Singson na makapagtayo ng 300 BBQ Chicken restos sa iba’t ibang bahagi ng bansa, anang mga anak ni Chavit na sina Rep. Richelle at Carlene.
Robin, may pahabol na depensa
Hindi pa natapos sa Facebook post ang pagpapaliwanag ni Sen. Robin Padilla ng kanyang nag-viral na ‘sexual rights.’
May official statement pa siya “Ako po ay humihingi ng paumanhin at ng inyong mabuting pasensya lalo na po sa mga hindi lubos na nakaunawa sa konteksto ng aking punto ukol sa aming diskusyon ni Atty. Lorna Kapunan sa Senado.
“Ang aking mga katanungan po ay hypothetical base sa sentimiento at realidad ng mga pangkaraniwang Pilipino. Hindi po ito mula sa aking mga personal na gawain, paniniwala o karanasan.
“Ang linya po ng aking pagtatanong ay upang magkaroon ng diskusyon at pagbibigay-linaw. Ito po ang realidad sa tunay na estado ng relasyon ng ordinaryong mag-asawang Pilipino.
“Ang pinanggagalingan ko po ay upang gabayan ang karamihan ukol sa isyu ng marital rape.
“Kasama na din po dito ang sinasabing “gray area” sa Family at Civil Code kahit pa man mayroon tayong Separation of Church and State.
“Ang mga sensitibong paksa na ito ay kailangan nating talakayin at pag usapan para maisaayos at mailagay sa tama ang batas.
“Ang pagtatalik (sex) ng mag-asawa ay may epekto sa mental health, emosyon, pisikal, at kabutihan ng pagsasama. Kaya’t nararapat po na ito ay ating bigyan linaw para sa usaping karapatang pangtao, kababaihan man po o at kalalakihan, kasal man o hindi.”
- Latest