Ibyang, gustong igawa ng pelikula ang mga atleta sa Paris
Ilang araw nang nasa Paris, France ang mag-asawang Sylvia Sanchez at Art Atayde para manood ng mga kumpetisyon sa Paris Summer Olympics 2024. Kasama nila ang bunsong anak na si Xavi at ilang kaibigan.
Kaya hindi nagtutugma ang oras namin kapag tinatawagan ko siya sa Messenger para makibalita ng mga kaganapan doon.
Aniya, nakaka-proud daw kasi talaga ang mga atleta natin, kaya halos nawawalan na raw siya ng boses sa pagche-cheer.
“Yes! First time kong manood ng Olympics. Ang saya saya! Lahat gusto kong panoorin lalo na pag lalaban ang mga atleta natin. Nakakaiyak! Nakakatuwa! Nakakaproud! Ubos boses hahaha!” text ni Sylvia sa akin.
Iba raw kasi talaga ang pakiramdam kapag nandoon ka at nakikita mo kung anong hirap ng mga atleta nating nakipaglaban para sa ating bansa.
Kaya kapag may laban ang mga atletang Pinoy, hindi mo talaga maabala si Sylvia, nakatutok siya roon para manood.
“Kahapon napanood namin si Carlos Yulo sa gymnastics, at ngayon si Sam Catantan ng Fencing. Nakaka-proud. Nakakatuwa na napapanood mong lumalaban ang mga atleta natin. At nagkataong taga-district 1 si Sam (Samantha Catantan) (nasa distrito siya ni Cong. Arjo (Atayde), kaya sobra sobrang nakaka-proud lalo,” dagdag niyang text sa akin.
Tinanong ko nga siya kung may balak ba siyang igawa ng pelikula itong experience niya sa Paris Olympics.
Naisip daw niya talagang gumawa ng pelikulang naglalahad ng kuwento ng mga magagaling nating atleta.
“Na-inspire ako gumawa ng istorta ng mga atleta. Kung paano nagsimula, hanggang sa makarating dito sa Paris Olympics. I’m sure marami tayong matutunan sa istorya ng buhay nila,” sabi pa ng actress/producer.
Marami pang kuwento si Ibyang sa masayang experience niya roon Paris Olympics na ibabahagi niya raw sa kanilang pagbabalik.
RK at Jane, package deal na
Malapit nang magsimula ang Cinemalaya 20 na gaganapin sa Ayala Malls in Manila Bay sa August 2 hanggang 11.
Mapapanood din ang mga full length film na kasali sa Trinoma, Market Market at Greenbelt.
Pero tiyak na sa Ayala Malls sa Manila Bay magdadagsaan ang karamihan sa mga film enthusiast dahil doon talaga ang venue nitong taunang independent film festival.
Isa sa aabangan ay ang entry na Love Child na dinirek ni Jonathan Jurilla. Under ito sa production ng Regal Entertainment na talagang inaasikaso na ng anak ni Roselle Monteverde na si Keith Monteverde.
Bida rito ang magkasintahang RK Bagatsing at Jane Oineza, na parang package deal na ang dating nila. Ang dami na kasing pelikulang pinagsamahan nila.
Natawa na lang si RK Bagatsing dahil nagkataon lang daw talaga na silang dalawa ang kinukuha. “Nakakatuwa, pag nag-inquire sila, ‘Inquiry po for Jane and RK,” natatawang pakli ni RK nang nakatsikahan namin sa nakaraang presscon ng Cinemalaya.
“Ang sarap lang ng pakiramdam na nagtatrabaho kami sa isang proyekto, you know. Magkasama kami, para lang kaming naglalaro,” dagdag na pahayag ni RK.
Kinunan ang kabuuan ng pelikula sa Silay, Negros Occidental, kaya talagang nag-bonding sila roon at magaan lang daw ang trabaho.
“Couple kami from Manila na lumipat doon for budget reasons, and iba pang reasons na malalaman nila sa pelikula. Hindi rin naman siya specifically naka-focus sa isang region, you know, sa Bacolod, or Silay. Ang pinakamensahe talaga ng pelikula is paano maging magulang, e.
Maganda ang takbo ng kuwento nitong Love Child na tiyak na marami sa mga kabataang mag-asawa ang makaka-relate at isa ito sa aabangan namin sa sampung entries ng Cinemalaya Bente: Loob, Lalim, Lakas.
- Latest