Dokumentaryo sa aktibistang nawawala, pasok sa Cinemalaya
Patuloy pa rin ang proseso ng paghahanap sa aktibistang si Jonas Burgos. Ito ang kampanya ng kanyang pamilya na pinangungunahan ng inang si Edita Burgos.
At muli itong pinag-uusapan dahil sa pagsali sa Cinemalaya 20 ng kapatid ni Jonas na si direk JL Burgos.
Si direk JL ang nagsulat at nag-document ng paghahanap nila mula noong 2007.
Ngayon ay nabuo na niya ang dokumentaryong ito at isinali nga sa Cinemalaya na magsisimula sa Aug. 2 hanggang 11 na gaganapin sa Ayala Malls, Manila Bay sa Parañaque.
Ang dokumentaryo ay pinamagatang Alipato at Muog o Flying Embers and a Fortress.
Pinagtiyagaan ni direk JL na buuin ang dokumentaryong ito, kahit patuloy pa rin ang paghahanap sa kanyang nawawalang kapatid.
“Lahat po na makikita rito ay ‘yung process ng search, ‘yung actual search. Lahat po ‘yun simula nung 2007 hanggang sa kasalukuyan,” pakli ni direk JL nang makapanayam namin sa nakaraang press conference ng Cinemalaya 20.
May nagawa na itong pelikula na dinirek ni Joel Lamangan at si Lorna Tolentino ang gumanap na si Mrs. Edita Burgos.
May gumawa na rin nitong stageplay, at napanood ko pa ang isa, ‘yung ginampanan ni Gina Alajar.
Sabi ni direk JL, nakatulong daw ang mga ganung material sa kanilang ipinaglalaban.
“Nakatulong po talaga ‘yun. Nagkalat siya ng awareness sa kampanya namin. Lahat naman po ng dahilan ng ito ay paghahanap kay Jonas, at sa paghahanap sa mga desaparecidos,” sabi pa JL Burgos.
Pero itong mapapanood sa Cinemalaya ay talagang personal na kuha niya at ilalahad niya ang hirap na pinagdaanan nila sa kanilang paghahanap sa in-abduct na kapatid.
Hirap din daw ng pinagdaanan niya nung binubuo niya ito, lalo nung ini-edit niya dahil bumabalik ang mga alaala niya sa kanilang journey ng paghahanap sa kapatid. “May mga instances na nag-e-edit ako ay nagbe-breakdown ako.
“I have to settle down. Alis muna ako sa harap ng computer, iiyak ko muna. Wala akong choice kundi harapin ko talaga siya,” pakli nito.
Malaking bagay raw itong napasali siya sa Cinemalaya para mas marami pa ang magkaroon ng awareness tungkol sa ipinaglalaban nila sa nawala niyang kapatid.
“Para sa aming family, wala kaming choice kundi magkuwento. Para lang hindi mawala sa isip si Jonas. Para hindi mawala sa isip ng mga tao ang mga nag-disappear. Kailangan naming magkuwento,” saad pa ni direk JL Burgos.
Gladys, nang-umbag!
Ang ganda ng 2024 Kay Gladys Reyes. Sunud-sunod ang pagkilala sa galing niya sa pag-arte.
Pagkatapos niyang magwaging Best Supporting Actress sa 7th EDDYS o Entertainment Editors’ Choice, nakuha rin niya ang parangal na ito sa 40th Star Awards for Movies ng PMPC.
Sa The EDDYS ay sa pelikulang Apag siya nanalo. Dito naman sa Star ay sa pelikulang Here Comes The Groom na pareho niyang entry sa 1st Summer Metro Manila Film Festival.
Kaya ang laki ng pasasalamat ng aktres sa sunud-sunod na suwerteng dumarating sa kanya.
Ang awarding ceremony ng Star Awards for Movies ay gagawin sa Henry Lee Irwin Theater sa Ateneo de Manila sa darating na July 21.
At tuluy-tuloy ang suwerte kay Gladys, dahil bukod sa special participation niya sa Abot Kamay Na Pangarap, may sisimulan siyang dalawang pelikula na gustung-gusto niyang gawin. Ayaw muna niyang sabihin kung ano ito, dahil ayaw naman daw niyang pangunahan ang announcement ng producers.
Ang isa pang excited ang aktres ay itong ginawa niya sa Magpakailanman na ang pamagat ng episode ay Inaanak, Inanakan. Kasama niya rito sina Christian Vasquez, Shayne Sava at Cheska Fausto.
Nakakaloka ang sneak peek ng isang matinding eksena sa naturang drama anthology na kung saan inumbag niya nang bonggang-bongga sina Christian at Cheska. Kuwento kasi ito ng isang OFW na ginagampanan ni Gladys. Pag-uwi niya ay nalaman niyang may relasyon pala ang asawa niya (Christian Vasquez) at ang inaanak niyang ginagampanan ni Cheska. “Siyempre. Kung ikaw ‘yun siguro mapatay mo silang dalawa ‘di ba?” bulalas ni Gladys.
Matinding sampal, sabunot at tadyak ang inabot nina Christian at Cheska.
Pero sabi ni Gladys, kapag ginagawa niya ang mga ganitong eksena, nagso-sorry raw muna siya sa mga kaeksena niya dahil totohanan daw ang kanyang pagsampal.
Tinodo raw niya talaga ang pananakit kina Christian at Cheska, para hindi makitang dinaya lang. “Nakita ko after the scene may guhit ‘yung sampal ko sa mukha ni Cheska. Sorry ako nang sorry.
“Pero ganun talaga, ang hirap dayain ang mga ganitong eksena. Kesa naman ‘yung buking ‘yung daya na sampal ‘di ba?” patuloy na kuwento ni Gladys.
Natawa na lang si Gladys sa kuwento niya sa akin na nagpasalamat pa raw si Cheska sa kanya, dahil malaking karangalan daw na nasampal siya at naumbag ni Gladys.
Mapapanood itong episode na Inaanak, Inanakan sa Magpakailanman ngayong gabi pagkatapos ng Running Man Ph.
- Latest