'Wala akong alam diyan': Maricel Soriano matapos maidawit sa PDEA drug list
MANILA, Philippines — Itinanggi ng aktres na si Maricel Soriano ang paratang na siya'y gumagamit ng cocaine matapos tumestigo sa Senado kaugnay ng kumalat na listahan diumano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
'Yan ang sinabi ni Soriano kay Sen. Ronald "Bato" dela Rosa habang nasa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ngayong Martes. Idinawit kasi si Soriano at Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa listahan.
"Hindi ko ho alam 'yung tungkol sa mga dokumento. Nalaman ko na lang 'yan noong ipinakita sa akin dahil hindi po ako nagbabasa ng mga ganyan. Wala ho akong alam," tugon ni Soriano ngayong araw.
"Sa totoo lang ho, hindi malinaw sa akin kung bakit ako naimbitahan sa hearing."
"Nagtataka lang ho ako dahil lahat po ng tumestigo rito ay nagsabing hindi na-verify ang impormasyon ni [former PDEA intelligence officer Jonathan Morales], at walang imbestigasyong naganap. Pasensya na po kung nalilito po talaga ako rito."
Sinagot ng aktres na si #MaricelSoriano ang mga tanong ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs hinggil sa umano’y PDEA leaks kung saan naiuugnay ang kanyang pangalan kabilang ang ilang high-profile personalities. #News5 pic.twitter.com/wmKiAXPWH6
— News5 (@News5PH) May 7, 2024
Natanong din si Soriano tungkol sa reklamong serious physical injury na inihain laban sa kanya ng dalawang dating kasambahay noong 2011.
Kaugnay nito, naungkat ang balitang umalis aniya ang dalawa sa kanyang condominium dahil din daw sa paggamit ni Soriano ng drogang cocaine.
"Hindi po totoo 'yan.... Opo [umalis sila] kasi ninakawan po nila ako," sagot ng tinaguriang "Diamond Star."
"Paano ko naman po bubugbugin eh dalawa ho sila?"
Bagama't mataas daw ang respeto ni Maricel sa Senado, hiniling din niyang idirehe ang anumang katanungang ligal sa abogado niyang si Agnes Maranan imbis na direktang sa kanya. Sa kabila nito, makikipagtulungan naman daw siya sa gobyerno sa about ng kanyang makakaya.
Iniuugnay ng naturang PDEA leaks ang ilang high-profile personalities sa iligal na droga, bagay na tinawanan lang ni Marcos sa isang panayam sa Pasay City.
Ilang taon na ng nakalilipas nang iugnay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang isang 2022 presidential candidate sa paggamit ng cocaine — panahon kung kailan tumatakbo pa lang si Marcos.
Enero 2024 naman nang sabihin ni Digong na "bangag" at "adik" si Marcos habang kinakausap ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines.
- Latest