'Balik-dos': ABS-CBN shows eere sa ALL TV simula ika-13 ng Mayo
MANILA, Philippines — Inanunsyo ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) at ABS-CBN ang pagbabalik ng Kapamilya shows sa channel 2 sa pamamagitan ng free-to-air channel na ALLTV simula susunod na buwan.
Ito ang ibinahagi ng dalawang kumpanya sa isang joint statement na inilabas ngayong Martes ng umaga.
"Simula Mayo 13, mapapanood ng ALLTV viewers ang mga pinakatumatak at pinakapaboritong Kapamilya teleserye na handog ng Jeepney TV sa iba’t ibang oras pati na rin sa primetime pagkatapos ng TV Patrol," sabi ng pahayag.
"Ginanap ang contract signing ceremony sa Brittany Hotel Villar City para sa content agreements na magbibigay-daan sa ALLTV na ipalabas ang ilang nostalgic Kapamilya shows sa ilalim ng Jeepney TV brand at ang longest-running primetime newscast sa bansa na TV Patrol."
Mayo 2020 nang ipatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng ABS-CBN sa channel 2 matapos hindi ma-renew ang kanilang legislative franchise, dahilan para mag-evolve sila patungo sa content production para sa A2Z, TV5 at GMA-7.
Matatandaang inilipat ang dating frequencies naa ginamit ng ABS-CBN sa kumpanyang AMBS. Tumatayong chairperson ng himpilan si dating Sen. Manny Villar.
Kasamang dumalo sa pirmahan si Manny, Sen. Mark Villar, Vista Land & Lifescapes Inc. president at CEO Paolo Villar, at All Value Holdings Corp. president at CEO Camille Villar. Kinatawan ang AMBS nina president Maribeth Tolentino at CFO Cecille Bernardo.
Present din sina ABS-CBN chair Mark Lopez, president at CEO Carlo Katigbak, chief operating officer Cory Vidanes, Group CFO Rick Tan, at chief partnership officer Bobby Barreiro.
"Layunin ng bagong partnership na maghatid ng saya at balita sa mga manonood ng ALLTV na available sa Channel 2 sa free TV, cable, at satellite TV nationwide," panapos ng pahayag kanina.
Nangyayari ang lahat ng ito ilang linggo matapos magsimulang iere ang Kapamilya noontime show na "It's Showtime" sa GMA Network. Nauna nang umere ang "TV Patrol" sa ALLTV nitong Abril 15.
- Latest