Bold actor, naiilang ‘pag nilalagyan ng prosthetics ang private part
Hindi ko na natutuloy ang subscription ko sa Vivamax kaya hindi ko na nasisilip ang mga pelikula nilang ipinapalabas every week.
Tuluy-tuloy pa rin ang pagpu-produce nila pero ayon sa isang kaibigan kong laging nanonood sa Vivamax, napapansin na raw niya sa ilang huling pelikula ng naturang streaming service, wala na raw ang pangalan ng mga Del Rosario sa producers.
Wala na raw sa credits ang pangalan ni Boss Vic del Rosario, pati ang kina Valerie at Vincent.
Hindi na niya sinabi sa akin kung anong pangalan ang ipinalit, pero nagtataka lang daw siya bakit tinanggal na gayung sila pa rin naman ang producers.
Ayaw na ba nilang ma-involve sa mga pelikulang pang-Vivamax?
Ang daring pa rin daw ng mga pelikulang ipinapalabas, pero nakasanayan na raw nilang nasisilip ang plaster sa kanilang private part.
Meron ding may frontal nudity sa ilang aktor, pero hindi naman pala tunay ‘yun. Gumagamit na sila ng prosthetics at hindi naman totoong ari nila ang nakikita.
Maraming mga bagong mukha na guwapo at magagandang nagbibida sa Vivamax movie, pero hindi pa talaga sila nakikilala.
Nakapanayam ng PEP Troika itong baguhang aktor na si Victor Relosa na ang daming kabadingang naglalaway sa kanya.
Kasali siya sa pelikulang Kabit kasama sina Angela Morena at Josef Elizalde.
Willing s’yang mag-frontal, pero sinubukan daw niyang ikabit ang prosthetics penis, at naasiwa raw siya.
Nahirapan din daw siyang mag-adjust kapag kinukunan na ang sex scene nila ni Angela.
Mabuti nga at nakatawid sa mainstream ang aktres na si Cath Ventura.
Mapangahas din siya sa pelikulang nagawa niya sa Vivamax na pinamagatang Mapanukso.
Pero kasali na siya sa toprated afternoon drama na Abot-Kamay na Pangarap.
Isa siya sa mga kasamahan ni Madam Lotus na ginagampanan ni Jackie Lou Blanco.
Sila ang nagpapahirap kay Moira (Pinky Amador) sa loob ng kulungan.
Kung matindi ang hubaran sa Vivamax, tiyak matinding pahirap, away at sapakan ang mapapanood sa kanila sa Abot-Kamay Na Pangarap.
Ewan ko kung ano naman ang drama nitong bagong afternoon drama sa GMA 7, ang Lilet Matias: Attorney-At-Law na pagbibidahan ni Jo Berry.
Panibagong challenge naman ito para kay Jo Berry dahil isang abogado ang role niya rito.
Paolo, ayaw magsalita sa pagbabu ng pinakamasaya…
As of presstime, wala pang sumasagot sa amin mula sa Tahanang Pinakamasaya kung totoo bang last episode na nila nung Sabado, March 2.
Ilang beses namin kinulit si Paolo Contis tungkol dito, pero wala siyang sagot sa amin. Mag-usap na lang daw kami next week.
Kahit ang ilang taga-TAPE, Inc. ay hindi rin sumasagot sa pangungulit namin.
Sabi naman ng ilang taga-GMA na napagtanungan namin, tuloy pa rin daw ang naturang noontime show.
May nagsabi sa aming mga replay episodes daw muna ang ipalalabas.
Pero ang sabi sa amin ng legal counsel ng TAPE, Inc. na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, abangan na lang daw sa Lunes ang ilalabas na joint statement ng TAPE at ng GMA 7 kaugnay dito.
Hindi pa raw nila alam kung ano ang ilalabas na statement, kaya abangan na lang daw.
Marami na ang nakapansin na pagkatapos ng live streaming ng Saturday episode nila, nawala na ang Facebook account ng TAPE, Inc.
May ilang followers ng naturang noontime show na nag-post ng “Sign Off.”
Abangan na lang natin sa Lunes.
- Latest