Ronnie at Loisa, gusto munang maghiwalay
![Ronnie at Loisa, gusto munang maghiwalay](https://media.philstar.com/photos/2024/01/18/loisa_2024-01-18_23-19-12.jpg)
Decided na sina Ronnie Alonte at Loisa Andalio na magkanya-kanya muna.
Pero hindi sa totoong buhay. Sa career lang. Gusto naman daw nilang mag-explore.
“Siguro mas gusto kong magiba naman po muna. Kanya-kanya para mag-grow muna,” pag-amin ni Loisa sa ginanap na media conference ng teleseryeng Pira-pirasong Paraiso na kabilang sila sa mga bida the other day.
“Seven years na kami na love team. Gusto ko mag-grow din siya as an actor,” dagdag pa ng actress.
Payag na payag din naman si Ronnie sa sinabi ng karelasyon.
“Gusto ko talaga mag-action. Dito sa Pira-Pirasong Paraiso naging training ko. Tama si Loise, napag-usapan namin, ‘pag may magandang offer, pwede ka mag-solo at humiwalay muna’,” katwiran ng actor.
Pero gusto raw niya talaga ‘yung role na maaksyon.
“Yung role na nakipagsabakan, barilan.”
Tho aniya open din siya sa BL series kung sakaling may magandang offer.
Anyway, last two weeks na ang Pira-Pirasong Paraiso.
At malaki ang pasasalamat ng mga bida ng palabas na sina Loisa Andalio, Charlie Dizon, Alexa Ilacad, at Elisse Joson, sa mga papuri ng mga manonood para sa kanilang serye kung saan umiigting ang mga eksena para sa huling dalawang linggo.
Ikwinento nina Loisa at Alexa sa isang episode ng Magandang Buhay kamakailan na nang dahil sa suporta ng viewers, maayos nilang nabigyang-buhay ang kani-kanilang mga karakter at naging matagumpay ang takbo ng serye kung saan nakamit nito ang all-time high record na 118,395 live concurrent views sa Kapamilya Online Live noong Nobyembre.
“Nung nabigyan ako ng isang eksena na action, natuwa po sila kaya sunud-sunod na ‘yung action scenes. Hindi kasi kami nag-training pero may nagtuturo sa amin sa set. Si Ronnie [Alonte], malaking parte rin siya sa akin kasi siya ‘yung nag-guide sa akin sa fight sequences,” sabi pa ni Loisa kung saan ito ang unang beses niyang sumabak sa action scenes para sa isang serye.
Wagas din ang pasasalamat ni Alexa sa kanilang mga co-star, kabilang sina Ronnie Alonte, KD Estrada, at Joseph Marco, dahil nakabuo siya ng pangalawang pamilya sa kanilang matibay na samahan on at off cam.
“Sobrang proud ako sa show na ito at sa bawat isa sa amin. For me, we finished with flying colors and we really built a strong connection. More than being sad that it’s over, I’m more proud of what we accomplished,” saad niya.
Labis din ang papuri ng veteran actresses na sina Snooky Serna at Sunshine Dizon sa buong cast ng Pira-Pirasong Paraiso. Para sa kanila, naipakita ng mga ito ang kanilang husay sa pag-arte at pagiging marespeto sa bawat isa sa kanilang mga co-star.
Pero misteryo pa rin sa lahat kung bakit hindi nagtagal sa programa si Maricel Soriano.
Diumano ay may hindi ito nakasundo sa apat na girls kaya agad-agad ay nagpatsugi sa programa.
Ang Pira-Pirasong Paraiso ay isang co-production series mula sa ABS-CBN at TV5 at ito ay sa ilalim ng direksyon nina Raymund Ocampo at Roderick Lindayag.
Sa huling dalawang linggo ng teleserye, nanganganib ang matagal nang pinapangarap na hiling ng Paraiso sisters na mabuo muli ang kanilang pamilya dahil mas pinalakas pa ni Criselda (Rosanna Roces) ang kanyang pwersa, kasama sina Jacinda, Badong, at Hilary (Snooky Serna, Epy Quizon, at Elisse), upang maghiganti at pabagsakin sina Amy, Beth, at Diana (Loisa, Alexa, and Diana).
Dahil sa malaking dagok sa kanilang buhay, magkaroon pa kaya ng happy ending ang love story sa relasyon ng sweethearts na sina Amy at Jonaf (Ronnie), ang mag-ex na muling nagkabalikan na sina Diana at Vlad (Joseph), at ang engaged couple na sina Beth at Elon (KD)?
Napapanood ang Pira-Pirasong Paraiso, Lunes hanggang Biyernes ng 2 p.m. at kada Sabado ng 3 p.m., sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.
- Latest