Miles Ocampo magaling na sa cancer, pero habambuhay na gamutan
MANILA, Philippines — Masayang ibinahagi ng aktres na si Miles Ocampo na siya'y "cancer free" na, bagay na kanyang kinumpirma ilang buwan matapos ipaopera ang kanyang thyroid.
Ito ang ibinahagi ng dating child star sa vlog ng Kapamilya broadcaster na si Karen Davila na inilabas nitong Huwebes.
"Yes, I'm cancer-free. But 'yun na nga, maintenance for life. 'Yung meds ko, habambuhay na siya," paliwanag niya sa naturang video kahapon.
"And doon na ako naka-base, kumbaga 'yung weight ko rin. Doon na siya magbi-base kung papayat o tataba. Kasi every two months kailangan kong magpa-blood test para i-check kung i-adjust ba 'yung dosage."
Abril 2023 lang nang ibahagi ni Miles na sumailalim siya sa surgery para labanan ang thyroid cancer.
Pag-amin ng aktres, tila ayaw pang sabihin sa kanya ng kanyang doktor na cancerous na pala ang kanyang pinagdaraanan. Aniya, tapos na ang procedure nang malaman niya ang lahat.
Bukod pa riyan, dumaan pa raw ang artista sa oral radiation.
"It was malignant at ang laki na niya. Kung hindi ko po siya naagapan, posible talagang kumalat," kanyang paliwanag.
"Nalaman kong cancer siya nung after na nung operation."
"'Yung mga times na 'yon na parang it's so uncertain, hindi mo alam kung ano ang mga mangyayari, just trust Him [God]. Trust Him, kapit ka lang sa Kanya, talk to Him."
Nagpapasalamat naman daw siya sa bago niyang buhay, lalo na pagdaan ng kanyang ika-26 kaarawan noong nakaraang taon.
Isa sa mga kilalang showbiz personalities na nag-alok ng tulong kay Miles matapos ang operasyon ay ang aktres na si Kris Aquino, na siya namang humaharap sa sari-saring autoimmune diseases.
Huling napanood sa telebisyon si Ocampo sa "FPJ's Batang Quiapo" at "The Iron Heart" habang nanalo naman siya bilang best supporting actress 2023 Metro Manila Film Festival Awards Night para sa kanyang pagganap sa pelikulang "Family of Two."
- Latest