Kelvin, sinagot ang pagpatol daw sa international singer
MANILA, Philippines — Nairaos ni Roselle Monteverde ang Christmas party ng Regal Entertainment na masaya ang lahat.
Nag-enjoy ang mga dumalo sa pa-raffle, pati sa games na walang kaarte-arteng naglaro ang lahat, pati mga artistang nabigyan ng trabaho ng Regal.
Masayang celebration na rin ‘yun sa boxoffice success ng Shake, Rattle and Roll Extreme na umabot na raw sa mahigit P30M ang kinita nito sa loob ng tatlong linggo.
Ang pagkakaalam ko, meron pang mga sinehang natira bago pumasok ang 49th Metro Manila Film Festival.
Doon pa rin sa Christmas party ng Regal, sandali naming nakatsikahan si Kelvin Miranda na sinagot naman ang mga intrigang kinasangkutan niya.
Isa na nga rito ang pa-blind item ni direk Darryl Yap na tila siya ang tinutukoy na nagpa-booking diumano kay Sam Smith sa halagang isang milyong piso.
Sabi ni Kelvin, sinagot na rin daw niya ito sa Fast Talk ni Kuya Boy Abunda, na ipinagkibit-balikat na lamang niya ang mga ganitong intriga.
Hindi naman daw niya kontrolado ang isip ng mga tao kung siya ang tinutukoy sa blind item.
E baka nga hindi naman siya ‘yun! Kaya ayaw nang mag-react ni Kelvin diyan.
“Hindi ko kontrolado o hindi ko hawak ang kung ano man ‘yung isip ng ibang tao.
“Kung naniniwala sila sa isang panig, nasa kanila po ‘yun. Kasi, ang isang album ay hindi naman mabubuo ‘yan ng disc A lang e, kailangan din ng disc B.
“One-sided kasi ‘yang social media e. Para sa amin, unfair! Kadalasan unfair. Hindi na nagkaroon ng hustisya ‘yung mga tsismis... pero sa akin, minsan sina-shut off ko na lang. Pero siyempre, nakakaapekto pa rin ‘yun sa amin ‘yung mga issue. “Hindi lang naman namin ipinapakita sa ibang tao. Ayaw na namin dagdagan ‘yung mga iisipin nila.
“Kumbaga, kung ganun sila mag-isip sa amin, nasa kanila na ‘yun. Kumbaga, pinapalakas na lang namin ‘yung mentalidad at pangangatawan ng sarili namin,” napapangiti na lang na pahayag ni Kelvin.
Inaamin naman niyang naapektuhan pa rin siya at hindi pa siya sanay na nasasangkot siya sa mga ganung intriga.
Cassy, secure kay Darren
Sayang at hindi personal na nakadalo si Vilma Santos sa grand mediacon ng MMFF entry nilang When I Met You in Tokyo nung Huwebes.
May sakit ang Star for All Seasons, pero nagawan naman ng paraan na makasali siya via zoom.
Iba ang boses niya at nakikita talagang may sakit siya.
Maaga pa lang kahapon ay kinumusta ko na sa buong team ng When I Met You in Tokyo kung makakasama ba si Ate Vi sa parada na ginanap sa CaMaNaVa kahapon.
“Sorry … cannot join the parade! Am still on a sick mode at ayaw ko mahawa mga kasamahan ko sa movie at mga tao!! I made an audio message! Paki suporta na lang movie namin WHEN I MET YOU IN TOKYO! Plssss! Missss and love you friend! Stay safe!”
Doon pa rin sa presscon ng When I Met You in Tokyo, ang mag-partner na Cassy Legaspi at Darren ang kinuyog ng press para pigain tungkol sa kanilang relasyon. Pero safe pa rin ang sagot nila.
Magkasama sila sa isang pelikula, kaya kailangang palakasin ang kanilang tandem.
May iba lang kaming naririnig kung sinong nali-link kay Cassy, pero ‘di puwedeng isabay sa promo ng kanilang pelikula.
Samantala, hiningan na rin namin ng opinyon si Cassy sa mainit pa ring isyu ng Eat Bulaga.
Aniya: “Super thankful ako sa mga commercials, sa mga viewers.
“Basta ako po, I just put on a good show. ‘Yun lang po. I just enjoy the show.”
Ang saya naman ni Paolo Contis na nag-text sa akin nung Biyernes na umabot daw ng 53 minutes ang kanilang commercial load.
Kaya hindi na sila nagpapaapekto sa mga naglalabasang isyu. Ang mahalaga ay masaya raw silang lahat.
- Latest