Zeus, tuloy ang trabaho kahit honeymoon
Noong Sabado ay nagpakasal na si Zeus Collins at Pauline Redondo. Isang beach wedding ang ginanap sa isang beach resort sa Subic, Zambales dahil ito raw ang pangarap ng misis ng dancer-actor. “Pangarap ng asawa ko ang beach wedding. Kaya siyempre kapag mahal natin, kung ano ‘yung gusto nila, ibibigay natin. Masaya dahil natagpuan ko na ‘yung babaeng para sa akin,” nakangiting pahayag ni Zeus sa ABS-CBN news.
Masayang-masaya ang dating miyembro ng Hashtags dahil nakadalo sa kanilang espesyal na araw ang mga mahal sa buhay. Bukod sa pamilya at mga kaibigan ay nakarating din sa okasyon ang mga kasamahan ni Zeus sa It’s Showtime. “Masaya po kasi nakita ko ‘yung mga taong mahal ko, siyempre family at mga kaibigan. Siyempre si Vice (Ganda) nandiyan din, talagang nag-effort pa talaga si Ganda para puntahan ako. Siyempre sa Subic kami, medyo malayo. Talagang nag-effort si Ganda pati si Ion (Perez) kaya masayang-masaya ako. Siyempre ‘yung mga kapatid kong Hashtags,” paglalahad niya.
Sa ngayon ay hindi muna titigil sa pagtatrabaho si Zeus para sa kanilang honeymoon. Sa Pebrero pa raw ito pinaplanong gawin ng mag-asawa. “Plano namin buong February, gift ko kay Pauline sa US. Kailangan nating magtrabaho nang magtrabaho hanggang meron. Siyempre panimula rin namin. Hindi ako titigil hanggang kaya ko pa sumayaw, sasayaw lang ako nang sasayaw,” pagbabahagi ni Zeus.
Jimmy, abogado na
Isa si Jimmy Bondoc sa mga nakapasa sa Bar examinations na ginanap noong Setyembre. Nakapagkatapos ng kursong Law ang singer sa University of the East habang nanunungkulan pa bilang isa sa board of directors ng PAGCOR o Philippine Amusement and Gaming Corporation sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte. “I was appointed in PAGCOR and I thought public service is for me. So I want to be a better public servant. And ‘yung gobyerno talaga really runs on the laws. Nature ko talaga to achieve, I want to get better all the time,” bungad ni Jimmy.
Nag-uumapaw ang kaligayahan ng singer dahil sa kauna-unahang pagkakataon na kumuha ng Bar exams ay agad itong naipasa. Ayon kay Jimmy ay ang Pangulong Duterte ang kanyang naging inspirasyon upang pagbutihin pa ang mga ginagawa. “Nag-uusap kami eh and in a way he wanted to groom me. And I’m happy for that. I spent some time recently in Davao and mas excited pa siya sa akin do’n sa resulta ng bar,” kwento niya.
Kung mabibigyan ng pagkakataon ay posibleng manungkulang muli sa gobyerno si Jimmy. Hinihintay na lamang umano ng singer na mayroong kumausap sa kanya upang makapaglingkod sa bayan. “I’ve always had very few strong political allies. And I always wait for them. I don’t let it come from me, because they know better. And if they think I am fit, I am here to serve their highest ideals. Pero hindi po ako magpepresinta kahit kanino. And it’s not out of pride but humility. Dahil kayo naman ang may alam kung saan n’yo ako magagamit,” pagtatapos ng singer. (Reports from JCC)
- Latest