Heaven, bilog ang unang natikman nang mag-18
Bagong Ginebra girl
Ipinakilala si Heaven Peralejo bilang 2024 Calendar Girl ng Ginebra San Miguel sa isang media launch na ginanap sa The Westin Manila, Mandaluyong City the other night.
Ang inaabangang launch ay parte ng pagdiriwang ng ika-190 taong anibersaryo ng pinakamatagal na gin brand sa Pilipinas, ang Ginebra San Miguel.
Si Heaven ay kilala sa kanyang pagganap sa pelikulang Nanahimik ang Gabi kung saan siya ay nanalo bilang Best Actress sa Asian Academy Creative Awards at nakilala rin sa seryeng The Rain in España.
“Isang magandang milestone sa aking buhay na maging bahagi ng Ginebra San Miguel. Noong ako’y 18 taong gulang, ang gin bilog na may pineapple juice ang aking unang natikman. Kaya para sa akin, ito’y dream come true dahil ang unang na-enjoy ko na inumin ang naging kauna-unahang major endorsement ko,” pag-alala ni Heaven.
Sa temang Philippine Fiesta, ipinakikita ng 2024 na edisyon ng Ginebra San Miguel Calendar si Heaven sa loob ng anim na makukulay na disenyo gamit ang piyesta bilang inspirasyon – Panagbenga, Lantern, Higantes, Pintados, Kadayawan, at Masskara. Ang mga ito ay repleksyon sa masiglang kultura ng mga piyesta sa Pilipinas.
“Bahagi na ng kultura ng pag-inom ng mga Pilipino ang Ginebra, lalo na tuwing may okasyon gaya ng mga piyesta,” ani pa ni Heaven.
Ayon kay GSMI Marketing Manager Ron Molina, ang 2024 Ginebra Calendar ay nagsisilbing simbolo ng pag-asa, pagkakaisa, at ang matibay na paniniwala na may mas magandang kinabukasan na naghihintay.
“Sa pagharap natin sa 2024, inilalarawan namin sa Ginebra ang isang senaryo kung saan ang mga epekto ng pandemya ay malayong alaala na lamang. Naniniwala kami na ang pinakamabisang paraan para magpatuloy sa buhay ay ang pagyakap sa isang kinabukasan na puno ng mga selebrasyon, gaya ng mga masasayang piyesta na natatangi sa ating kultura,” ani Ron.
Ang 2024 edisyon ng kalendaryong ito ay may QR code kung saan pwedeng i-scan ng mga tao gamit ang kanilang mga smartphone para makita ang mga behind-the-scenes video at mga mensahe ni Heaven Peralejo para sa kanyang mga fans.
Ang Calendar Girl ay isang matagal nang tradisyon at mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Ginebra San Miguel.
Ilan sa kanila ay sina Marian Rivera (2009 at 2014), Anne Curtis (2011), Solenn Heussaff (2012), Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach (2019), Sanya Lopez (2020), Christelle Abello (2021), Chie Filomeno (2022), at Yassi Pressman (2023). Sumusunod si Heaven sa yapak ng kanyang tiyahing si Rica Peralejo, na naging Ginebra San Miguel Calendar Girl noong 2002.
- Latest