Zaijian, hindi inakalang magtutuloy sa pagiging artista
Muling pumirma ng kontrata si Zaijian Jaranilla sa ABS-CBN kamakailan. Malaki ang pasasalamat ng aktor dahil sa patuloy na pagtitiwala sa kanya ng pamunuan ng Kapamilya network. “Para sa akin po ang ibig sabihin ng pagiging solid Kapamilya ay walang iwanan sa hirap at ginhawa. Despite sa lahat ng nangyari sa ABS-CBN, hindi nila ako pinabayaan. At para sa ‘kin ‘yon ang isang solid Kapamilya,” makahulugang bungad ni Zaijian.
Matatandaang unang sumikat ang dating child star bilang si Santino na pangunahing bida sa teleseryeng May Bukas Pa noong 2009.
Hindi raw inakala ni Zaijian na magiging aktibo siya sa show business hanggang ngayon. “Hindi ko rin po akalain na aabot ako sa ganito. Sobrang thankful po ako sa lahat nang nangyayari sa ‘kin ngayon. ‘Yung determination and drive na nakukuha ko lagi ay dahil sa family. Sila naman talaga ‘yung reason kung bakit ko pinagbubutihan lagi at pinagpapatuloy lahat ng mga ginagawa ko. Kasi gusto ko sila bigyan ng magandang buhay. At siyempre ‘yung nakukuha ko ring suporta galing sa mga friends ko sa showbiz, lahat ng mga nakasama ko na matatanda na, senior artists. Baon-baon ko po lahat nang tinuro n’yo sa akin,” nakangiting pahayag ng aktor.
JM, ibinubuhos ang lahat ‘pag may bagong ginagawa
Bilang isang aktor ay masayang-masaya si JM de Guzman dahil napabilang sa Linlang na pinagbidahan kasama sina Kim Chiu at Paulo Avelino.
Ginampanan ni JM ang karakter ni Alex sa naturang serye.
Para sa aktor ay maaaring magsilbing aral sa mga manonood ang istorya at mensahe ng kanilang nagwakas na proyekto “Nakakatuwa rin kasi nae-engage namin ‘yung audience doon sa istorya, sa storytelling. Sa social media ngayon, madalas naku-crucify ‘yung mga infidelity and importante rin na sana ‘yung show na ‘to maging ehemplo. Ito ‘yung mga kahaharapin mo, ito ‘yung mga masasaktan mo. Ito ‘yung mga maaapektuhan mo, ito ‘yung mga mangyayari kapag ginawa mo ‘to,” paliwanag ni JM.
Tumatak din sa mga manonod ang karakter ng binata bilang si Bro. Joseph sa teleseryeng The Iron Heart na pinagbidahan ni Richard Gutierrez.
Ayon kay JM ay talagang ibinubuhos niya ang lahat nang makakaya sa tuwing may bagong karakter na ginagawa. “Pagtapak ko pa lang sa set ng Iron Heart iba ‘yung disiplina. Iba ‘yung passion na nararamdaman ko. Iba ‘yung love na pinu-put nila sa trabaho. Talagang I’m proud na maging parte ako kahit saglit lang sa Iron Heart. Importante roon ‘yung redemption niya na kahit sobrang ginagamit niya ‘yung religion para sa kasamaan, may redemption pa rin. He found God talaga and real love ang pinakita niya ‘yong sa huli bago siya mamatay,” paglalahad ng aktor.
Isang bagong pelikula ang pinaghahandaan ngayon ni JM. Nangangarap ang aktor na mas marami pang magampanang kakaibang karakter sa mga susunod na taon. “Marami pa pong challenging roles na maibigay sa ‘kin and I will make sure na ibibigay ko ‘yung 100 percent best ko,” pagtatapos ng binata. (Reports from JCC)
- Latest