Jennica, naka-move on kay alwyn! pagkatapos bumili ng kutson...
Mas nakilala si Jennica Garcia nang gumanap bilang si Lala sa seryeng Dirty Linen na nagtapos kamakailan. Ayon sa aktres ay talagang pinagbubuti niya ang trabaho para sa dalawang anak na babae nila ni Alwyn Uytingco. “Sinubukan ko lang po, ‘yung passion na-ignite ko siya no’ng nahiwalay ako sa asawa ko. Nahanapan ko ng deeper meaning ‘yung pag-aartista. Kailangan kong paghusayan, iba rin kapag may anak ka. Kunyari may dumating ka na endorsement, it’s a bigger amount of money. Hindi mo mapi-feel na, ‘Hala! Ang yaman ko na!’ Pero dahil may future ako na kailangan sini-secure, gusto kong mapagtapos ang mga anak ko until college. Gusto ko silang bigyan ng tig-isang bahay, meron na kaagad siyang pupuntahan. Iba talaga ‘yung drive,” makahulugang pahayag ni Jennica.
Bilang single mom ay ginagawa raw talaga ng aktres ang lahat upang maging maayos ang pamumuhay ng mga anak sa araw-araw.
Naging emosyonal si Jennica nang maalala na nakakatulog ang dalawang anak na bentilador lamang ang gamit upang hindi mainitan sa magdamag. “Nakakatulog naman sila. No’ng dumating ‘yung bill namin sa kuryente less than P1,000, the best. Kaya sabi ko tuluy-tuloy natin ‘to, okay naman sila. Naiiyak talaga ako gabi-gabi kasi naka-aircon ako (sa taping) sila hindi. Hindi ko na rin naman siya hinahanap-hanap pero no’ng na-experience ko siya ulit, doon ko naiisip na ‘yung mga anak ko na pinapawisan,” naluluhang kwento ng aktres sa YouTube channel ni Luis Manzano.
Bukod sa bagong aircon ay nakabili na rin si Jennica ng malaking kutson para sa kanilang mag-iina.
Aminado si Jennica na naka-move on na sa naging hiwalayan nila ni Alwyn nang maramdamang kayang buhaying mag-isa ang mga anak. “Nakabili na rin kami ng kutson na makapal-kapal siya. Dati naglalatag lang kami tapos manipis siya. Ngayon king size na, next na po ang bed frame. Pakiramdam ko doon nagsimula ‘yung healing ko talaga na kaya ko pala kami,” pagbabahagi ng aktres.
Kim umaming emosyonal nang makit si Kris
Kamakailan ay binisita ni Kim Chiu si Kris Aquino sa bahay ng huli sa Amerika.
Naging posible ang pagtatagpo ng magkaibigan dahil na rin sa tulong ni Mark Leviste. “Kinumusta ko muna kay Sir Mark. Then si Sir Mark ang gumawa ng paraan na pumunta ka, ‘Okay siya. ‘Yung checkup namin sa hapon.’ So naging smooth ‘yung pagkikita namin. Then may kuwarto na ako roon sa bahay nila,” nakangiting kwento ni Kim.
Sobrang emosyonal ang naging pagkikitang muli ng magkaibigan. ‘Panganay’ ang tawag ni Kris kay Kim dahil parehong April 19 ang birthday nina Kim at Bimby na bunsong anak naman ni Kris.
Ayon kay Kim ay mas mabuti na ang kalagayan ni Kris ngayon kumpara noong mga nakaraang buwan. Nagbabalak si Kim na muling bisitahin ang kaibigan kapag mayroong pagkakataon. “Ate is doing well na ngayon. Not super but better than dati. Marami pa rin siyang kailangang treatment na haharapin. Masaya ako na nakita ko siya, nakausap ko, nakayakap ko. Kung paano kami dati, gano’n,” pagtatapos ng dalaga.
(Reports from JCC)
- Latest