Criminal complaint inihain vs 'malalaswang' music videos ni Toni Fowler
MANILA, Philippines — Haharap sa reklamong kriminal ang vlogger-singer na si Toni Fowler dahil sa tatlo niyang music video na pinararatangang “malaswa.”
Ayon sa Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas (KSMBP), organisasyong tagabantay diumano sa cyberspace ng bansa, mayroong tatlong music video si Fowler sa YouTube na nagpakita ng malalaswang larawan at maseselang parte ng katawan ng lalake.
“May isa pang minor na kasama sa video… I think pamangkin niya ito, I think 17 pa ito noong video na ito,” sabi ni Mark Tolentino, legal counsel KSMBP, sa media nang ihabla si Fowler nitong Miyerkules sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Sinampahan si Fowler ng reklamong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code — bagay na tumutukoy sa "immoral doctrines, obscene publications and exhibitions, and indecent shows" — na may kaugnayan sa Cybercrime Law.
Ang batas na nilabag ay tumutukoy sa paglalathala ng malalaswa o hindi disenteng larawan, video, at iba pang uri ng media.
"Like in this case of Ms. Toni Fowler, may napakita siya, kumakanta siya ng mga bastos. Aside from [that] nagpakita din ng sex organs," sabi ni Tolentino.
Ang tatlong music video na sinabing lumabag dito ay para sa mga kanta ni Fowler na “MPL,” “FF” at “MNM.”
Ayon sa batas, ang bawat video ni Fowler na lumabag dito ay may kaakibat na multang P6,000 hanggang P12,000 at parusang pagkakakulong ng hanggang 20 taon.
Humingi ng comment ang Philstar.com sa opisyal na Facebook Page ni Toni Fowler ukol sa kasong isinampa sa kanya ngunit wala pang tugon ukol dito. — intern Matthew Gabriel
- Latest