Atasha, sinusubukang tapatan ni Cassy
Ayaw tantanan ng netizens si Joey de Leon pagkatapos ng isyung “lubid” sa Gimme 5 segment ng E.A.T. na patuloy pa ring pinag-uusapan sa ngayon.
Lalong pinalaki ng netizens at parang nakatutok na lang sila kay Tito Joey na naghihintay na magkamali sa mga sasabihin.
Nasa X na naman nung Lunes dahil meron na naman daw nabanggit ang E.A.T. host na “ulol.”
Hindi ko napanood ang episode na ‘yun, pero may ipinu-post na naman silang tagpo na nagbanggit ng naturang word si Tito Joey.
Baka nga sinadya niya ‘yun para lalong inisin ang mga netizen. O baka pagod na lang siya at naiirita na sa pagbabantay ng mga tao at kaagad ipinu-post na sa social media.
So far ay wala pang pahayag o sagot si Joey de Leon tungkol sa mainit na isyung ito.
Samantala, na-highlight nang husto si Cassy Legaspi ng Eat Bulaga nung nakaraang Lunes.
Parang nag-GMA Gala sila na kung saan ay naka-formal silang lahat.
Lalong gumanda si Cassy, at nag-trending siya sa X nung araw na ‘yun.
Obvious na si Cassy ang ipinantapat ng Eat Bulaga kay Atasha Muhlach ng E.A.T.
Abangan natin kung iinit ba ang tapatan ng anak nina Aga at Charlene Muhlach sa anak nina Carmina at Zoren Legaspi.
Mga bago at lumang artista nagsama-sama sa anniversary at birthday ni Bong; lito lapid, iniwasan si Ysabel?!
Sobrang saya ni Sen. Bong Revilla sa kanyang birthday celebration nung Lunes na ginanap sa Okada Manila.
Kasabay nito ay ipinagdiwang na rin ang kanyang 50th anniversary sa showbiz kaya nagkaroon ito ng show para sa gagawing TV special para sa GMA 7.
Malaking produksyon ito na kung saan tampok ang mga nakatrabaho noon ni Sen. Bong at ilang Kapuso stars.
Superstar ang dating ni Jillian Ward na isa sa nagbigay ng production number.
Dumalo rin ang mga nakasama ni Sen. Bong sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
Excited na ang ilan sa kanila dahil sisimulan na nila ang season 2.
Pero may narinig kaming isa sa isasama sa cast ay si Herlene Budol na dumalo rin sa birthday party.
Natuwa rin si Sen. Bong nang nakilala niya si Ysabel Ortega kasama si Miguel Tanfelix.
Hindi raw niya akalaing dalaga na at ganun kaganda ang anak ni Sen. Lito Lapid.
Dumating din doon sa party si Sen. Lapid pero hindi siya nagtagal kaya hindi sila nagpang-abot ni Ysabel.
Pinahanap pa nga siya sa amin ng Kapuso actress, pero nakaalis na pala ang papa niya.
Ewan ko kung gusto lang niyang umiwas na pagkaguluhan sila ng media.
Sinabi ko kasi kay Sen. Lapid na darating ang anak niyang si Ysabel at biniro ko pang ipakilala sa kanya ang rumored boyfriend niyang si Miguel.
Napa-”huh!” si Sen. Lapid na umatras pa.
Gulat na gulat naman si Iza Calzado nang nagpakilala sa kanya si Miguel na siya ‘yung nakasama nlla dati sa Mulawin na ang batang si Pagaspas.
“Ang tanda ko na!” bulalas ni Iza.
Tuwang-tuwa rin si Cong. Lani Mercado dahil parang nag-reunion na rin sila roon ng mga dati niyang kasamahan sa GMA Supershow.
Dumating sina Jackie Lou Blanco, Mariz Ricketts kasama si Ronnie Ricketts, pati si Rachel Anne Wolfe na nagbakasyon pala rito.
Sina Sharon Cuneta lang at Gretchen Barretto ang wala.
Ang saya ring halos kumpleto ang close friends nila na grupong The Legends na sina Lorna Tolentino, Christopher de Leon, Amy Austria, Tirso at Lyn Cruz, direk Laurice Guillen at direk Gina Alajar. Nagpapasalamat din si Sen. Bong sa pagdalo ng executives ng GMA 7 at ABS-CBN Entertainment na sina Atty. Felipe Gozon, kasama si Atty. Annette Gozon-Abrogar, sina Carlo Katigbak at Cory Vidanes.
Pati ang mga hindi na ganun ka-active sa showbiz ay dumating din kagaya ni Dawn Zulueta kasama ang asawang si SAP Anton Lagdameo, at si Mikee Cojuangco kasama si Vice Mayor Dudut Jaworski.
Masaya ang lahat dahil nagkita-kita roon ang mga dati pang big stars na napapanatili pa rin ang ningning nila hanggang ngayon. Kagaya nina Maricel Soriano, Gabby Concepcion, Alma Moreno, Gladys Reyes at marami pa.
Mapapanood ang TV special na Idol Ko Si Bong sa Oct. 7.
- Latest