Shooting ng MMFF entries, nadali ng ghost month?!
Marami talaga sa atin ang naniniwala sa ghost month. Kaya maingat ang ibang tao sa mga araw na ito hanggang sa Sept. 14, bale last day nitong ghost month.
May ilang pangyayari sa ilang shooting at taping na ang naiisip ng ibang naniniwala sa ghost month ay maaring dala ito ng pinapaniwalaan nilang iniiwasang araw.
Kagaya ng nangyari sa shooting ng isang pelikulang isasali sa Metro Manila Film Festival, ang isa sa main cast na sexy actress, bigla raw na-pack up ang shooting dahil inabot daw ito ng Dysmenorrhea. Hirap na hirap daw si aktres dahil hindi raw pala talaga siya okay kapag dumarating ang monthly period niya.
Kaya pinauwi na lang itong si sexy actress.
Nang sumunod na shooting day ay okay na raw si sexy actress. Pero ilang oras lang ang lumipas, nagkaroon ng commotion sa set, dahil nagkasuntukan daw ang dalawang staff.
Nagkaroon daw ng matinding pagtatalo ang dalawa, hanggang sa umabot na sa suntukan.
Ang tagal daw bago sila naawat dahil talagang matinding suntukan daw ang nangyari. Ang isang staff daw ay magaling sa martial arts, kaya nagkahirapan sa pag-awat.
Samantala, sa taping naman ng isang bagong action-drama series, nataranta naman ang buong production staff at mga artista sa isang aksidenteng nangyari sa set.
Kinukunan ang maaksyong eksena na kung saan may gamit na sasakyan ang isa sa bidang aktor.
Pagkatapos daw ng take, bumaba na raw si aktor. Pero hindi yata kumagat nang mabuti ang brake, biglang dumausdos ang sasakyan tuluy-tuloy pababa. May isang taong hindi nakaalis agad, naatrasan daw ito ng sasakyan.
Mabuti at hindi malubha naman ang nangyari doon sa taong nakiusyuso lang pala sa taping. Pero naantala ang taping dahil sa isinugod pa sa hospital ang biktima.
Super guilty daw ‘yung aktor sa nangyaring aksidente.
Pero napapag-usapan na ito ng ilang taga-produksyon na dapat daw talaga mag-ingat sa trabaho lalo na ngayong ghost month pa rin tayo.
Aicelle, hirap na sa pagbirit!
Buntis na buntis pala ngayon si Aicelle Santos-Zambrano sa pangalawang baby nila ni Mark Zambrano.
Six months na ang ipinagbubuntis niya, pero tuloy pa rin ang raket kahit medyo hirap na siya sa pagbirit.
Bahagi si Aicelle sa Anywhere We Sing Is Home: The CCP’s 54th Anniversary Gala na kung saan makakasama niya sa concert na ito sina Joanna Ampil, Arman Ferrer, Gerald Santos, Sheila Francisco, Gab Pangilinan at Reb Atadero, sa musical direction ni National Artist Ryan Cayabyab.
Nakatakda ang concert sa Setyembre 9, Sabado ng 8:00 p.m., at Setyembre 10, Linggo ng 3:00 p.m. sa Samsung Performing Arts Center sa Circuit Makati.
Natawa si Aicelle nang kumustahin siya sa kanyang ipinagbubuntis. “E di eto, isang malaking bola!” bulalas niya.
Curious nga raw siya kung paano siya makapagbirit ngayong malaki na ang tiyan niya. “Actually, we shall find out! ‘Di ba, you don’t get to sing at home naman na naka-full buga, ‘di ba?
“So interesting din kung papaano ko ima-manage onstage. Kasi it’s different when you rehearse. I’ll try it sa technical rehearsal and with the orchestra rin,” dagdag niyang pahayag.
So far, tuloy pa rin siya sa All-Out Sundays na kung saan nakipagbiritan siya sa mga magagaling na biritera sa Queendom na segment.
Medyo maingat na rin siya ngayon. Pero kaya pa raw niyang tumanggap ng events kahit malaki na ang tiyan.
Pero sayang lang dahil hindi na siya kasali sa concert ng Queendom na pinamagatang Queendom Live na gaganapin sa Newport Performing Arts sa Dec. 2.
Hahataw na sa concert na ito sina Julie Anne San Jose, Rita Daniela, Mariane Osabel, Hannah Precillas, Thea Astley at Jessica Villarubin.
- Latest