Michael V. iginuhit si Mike Enriquez bilang 'tribute' sa news anchor
MANILA, Philippines — Binigyang pugay ng komedyanteng si Michael V. ang kapwa Kapuso at yumaong beteranong journalist na si Mike Enriquez, hindi sa pamamagitan ng nakakatawang sketches ngunit gamit ang iba pa niyang talento: ang pagguhit.
Matatandaang namatay si Enriquez noong ika-20 ng Agosto dulot ng pneumonia matapos bigyan ng anti-rejection medicine kasunod ng pinagdaanang kidney transplant. Sinasabing nagpapababa ng resistensya ang naturang gamot.
"'Excuse me po!' Just wanted to pay tribute to a fellow Kapuso and a pillar of GMA News & Public Affairs, Sir Mike Enriquez," ani Bitoy sa isang paskil sa Instagram nitong Lunes.
"Although ang first impression ko sa ‘yo e 'strikto at nakakatakot,' ang naiwang nakatatak sa ‘kin e ‘yung 'kuwela at lovable.'"
"Sana nakita ng lahat ‘yung malaking wacky photo mo sa wake dahil ‘yun talaga ang pagkakakilala ng marami sa ‘yo."
Bukod sa pagpapatawa, kilalang impersonator, mang-aawit, rapper at gamer si Michael V.
Matatandaang ginaya ni Bitoy si Enriquez bilang "Michael Ricketts" sa isang segment sa comedy gag show na "Bubble Gang" ilang taon na ang nakalilipas.
Ilang beses din pinagkatuwaan ng aktor sa naturang segment ang tanyag na linya ng journo na, "Hindi namin kayo tatantanan."
"Goodbye, Sir Mike," sabi ni Michael V.
"Parang alam na namin kung ano’ng sasabihin ni San Pedro ‘pag nakita ka n’ya sa Pearly Gates."
Nakilala nang husto sa GMA-7 si Enriquez dahil sa Kapuso newscasts atbp. palatuntunan sa radyo gaya ng "Saksi," "24 Oras," "I-Witness" at "Imbestigador." Mahigit 50 taon siyang nagsilbi sa taumbayan bilang broadcaster.
Una nang pinarangalan "German Moreno Walk of Fame" sa Eastwood City si Enriquez dahil sa kanyang hindi matatawarang ambag sa larangan ng pamamahayag.
- Latest