Aliwan Fiesta, pinabobongga matapos ang pamamahinga sa pandemic
Nangako ang Manila Broadcasting Company na muling mararanasan ng publiko ang masasayang pagsasanib ng musika at sining na naging tatak ng pinakamalaking kapistahan sa buong Pilipinas - ang Aliwan Fiesta- na gaganapin ika 13-15 ng Hulyo.
Bukod sa pinakahihintay na sagupaan ng pinakamagaling na dance contingents na ipadadala ng mga rehiyon mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na gaganapin sa huling araw, ipaparada rin ng mga batiking float-maker ang kanilang mga arko, lulan ang mga naggagandahang kandidata sa Reyna ng Aliwan.
At dahil hitik din sa musika at tugtugan ang Aliwan Fiesta, nag-imbita rin ang MBC ng mga magpapaningning sa tatlong gabi ng kasiyahan.
Tampok sa Bente Naman Jam ng Pasakalye sa July 13 ang kilalang mga bandang Imago, Hey June, Grace Note, at Sunkissed Lola, gayundin ang grupo ng Old Fantasy.
Sa pageant night ng Reyna ng Aliwan sa ika-14 ng Hulyo, tampok bilang hosts ang dating Reyna ng Aliwan at 2014 Miss Earth na si Jamie Herrell, kasama si DJ Nick ng 96.3 Easy Rock; aawit din sina Mark Carpio at Luke Mejares sa gabing iyon.
Para naman sa awarding ceremonies na gaganapin sa gabi sa July 15, kung saan hosts sina Nicole Hyala at Chris Tsuper, paiinitin ni DJ Tom Taus ang entablado, kasama sina Tanya Chinita ng 90.7 Love Radio at si Wency Cornejo, na susundan naman ng Banda ni Kleggy at 6 Cycle Mind na siyang magtatapos ng palabas.
Libreng manood ng Aliwan, first come, first served sa mga upuan.
- Latest