Showtime, delayed telecast na sa TV5; rating ng EB pang-replay ang numero!
Pang-replay ng Eat Bulaga ang naitalang rating ng bagong format at hosts ng naturang noontime show na nagsimula nung Lunes.
Naka-5.2 percent ito at ang katapat na It’s Showtime.
Inaasahan namang hindi ito kasing taas ng dating Eat Bulaga nina Tito, Vic and Joey. Kaya okay na rin ito sa kanilang pagsisimula.
Huwag lang sanang bumaba pa dahil hindi pa rin ito tinatantanan ng bashing.
Walang ibang pinag-usapan nung Lunes ng tanghali kundi itong bagong Eat Bulaga, na akala mo pinanood ng buong sambayanan, pero hindi naman pala.
Expected naman daw ng taga-TAPE, Inc. ang pagbaba ng rating at pati commercials ay bawas na. Kaya pinahaba nila ang pisi dito dahil talagang nanganganay pa nga sila.
Samantala, tahimik ang mga dating Dabarkads tungkol sa napapabalitang paglipat sa TV5.
Si Joey de Leon lang ang laging may pahaging dahil sa mga ipinu-post sa kanyang Instagram account.
Obvious na ang alas-dose ng tanghali ng TV5 ay ibibigay na sa TVJ.
May lumabas na statement mula sa It’s Showtime na simula July 1 ay hindi na sila mapapanood sa ganung oras. “Ngayong July 2023, mananatili sa Alas Dose ng Tanghali ang It’s Showtime sa 4 na platforms: Kapamilya Channel, A2Z Channel 11, Kapamilya Online Live at iWantTFC livestream.
“Patuloy na mapapanood ang show sa TV5 sa delayed telecast simula din ngayong July 2023.
“I-a-announce ang bagong TV5 schedule ng Showtime sa mga susunod na araw.
“Ngayong October 2023 ang ika-14th year ng It’s Showtime sa ere.”
Abangan na lang natin kung mapapaangat ng TVJ ang TV5 na sana palakasin pa lalo ang kanilang signal, lalo na sa ilang probinsya.
Bong, gagawing mas maaksyon ang sitcom!
Masaya naman si Sen. Bong Revilla sa magandang rating ng pilot episode ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
Nakakuha ito ng 12.3 percent, na kung ikukumpara sa rating ng ilang programa sa GMA 7, ito na ang pinakamataas.
Ang consistent na malakas na Kapuso Mo Jessica Soho ay 12.1 percent lang.
Naniniwala naman si Sen. Bong na mami-maintain nilang mataas ang rating dahil marami pa raw aabangan sa mga susunod na episode.
May iba pang mga bagong karakter na papasok, at mas marami raw action scenes na ‘yun ang kaibahan sa iba pang sitcom.
Ang action naman daw talaga ang gusto niyang palakasin, kaya pinag-iisipan niyang isa ring comedy-action na may pagka-fantasy ang balak niyang isali sa darating na Metro Manila Film Festival sa December.
Apo ni Emilio Aguinaldo, seryosong sumikat
Promising ang bagong singers na ilulunsad ng Star Music. Ngayong linggo ay ilulunsad na nila si Shira Tweg, ang 16-year-old half Pinay at half-Lebanese na lumabas na rin sa ilang pelikula.
Si Shira ang gumanap na batang Sharon Cuneta sa pelikulang Kahit Maputi na Ang Buhok Ko.
Challenging na kay Shira ‘yun dahil isang Megastar ang gagampanan niya, at ganung career path din ni Sharon Cuneta ang gusto niyang tahakin.
Pero kagaya ng ibang bagets na singer, si Moira dela Torre ang ina-idolize niya at tipong mga kanta nito ang gusto rin niyang kantahin.
Ilulunsad ni Shira ang first single niyang Pag-ibig na likha ni direk Joven Tan.
Sabi pa ni Shira, tila na-influence rin daw siya ni direk Joven sa pagsusulat ng mga kanta.
Sa June 10 ay magkakaroon ng launching ng first single ni Shira na gaganapin sa Music Box, Quezon City.
Samantala, si direk Joven Tan din ang gumawa ng kanta ng isa pang bagong artist ng Star Music na si Lizzie Aguinaldo.
Ginawa ni direk Joven ang kantang Baka Puwede Na na bagay na bagay kay Lizzie.
Sa nakaraang press launch ni Lizzie ay nalamang apo pala siya ng first president ng bansa na si Gen. Emilio Aguinaldo.
Sabi ni Lizzie great grandfather daw ng daddy niya si Ka Miong kaya talagang nananalaytay sa kanya ang dugo ng isang bayani.
Parang old soul din ang 15-year-old na Caviteñang ito, dahil mahilig pala siya sa old songs.
Todo promote muna siya ngayon sa bagong single niyang malapit na ring ilunsad. Pero ‘pag mabigyan daw ng chance, gusto raw sana niyang i-revive ang sikat na kanta ni Yolly Samson na Pag-ibig Ko’y Ibang-iba.
Paborito rin ni Lizzie si Moira dela Torre, pero type raw sana niyang maka-collaboration si Zack Tabudlo.
Ang suwerte lang ni Lizzie dahil nandiyan ang pamilya niyang all-out ang suporta sa pagpasok niya sa showbiz.
Pero kagaya ng ibang baguhang artista, pinagdaanan din daw ni Lizzie ang pumila sa auditions.
- Latest