EB, binabayaran na lahat ng mga utang!
Akala namin joke lang ni Vic Sotto ang sinabi niyang bayad na siya sa matagal nang utang sa kanya ng Eat Bulaga.
“Okay na! Bayad na! Salamat at na-media,” nakangiti niyang sabi sa amin na naka-thumbs up pa pagkatapos ng mediacon ng bagong sitcom niyang Open 24/7 na magsisimula na sa May 27.
Siyempre, inalam namin sa ilang reliable sources kung talagang bayad na nga ba si Bossing Vic pati si Joey de Leon.
Ayon sa ilang napagtanungan namin, nung Sabado, May 6, nga raw naibigay ang tseke, at mukhang pati na rin daw si Sir Joey.
Sinubukan kong tawagan at i-text si Joey de Leon, para kumpirmahin ito, pero hindi pa rin siya sumasagot.
Pero may nakakarating pa sa aming may ilang hindi pa rin daw nasi-settle ng Eat Bulaga.
‘Di ba nabanggit din sa nakaraang interviews ng dating Sen. Tito Sotto na pati ang kapatid nilang si Maru Sotto ay may malaki ring pagkakautang ang Eat Bulaga, dahil sa mga ad na ipinasok niya noon.
Sa pagkakaalam daw nila ay hindi pa rin ito nabayaran.
Kaya inaasahan nilang ma-settle na ang lahat at wala nang pagkakautang ang Eat Bulaga sa ilang Dabarkads.
Nabanggit din noon ni Anjo Yllana sa nakaraang interview namin sa kanya na meron pang talent fees na hindi pa rin bayad ng programa.
“Pinaghihinalaan na ako nung ng nanay ng mga anak ko kung saan ko ginagamit ‘yung pera.
“Ang dami kong utang nun. May utang ako kay Bossing, kung kani-kanino lang.
“Biro mo, nagtatrabaho ka araw-araw pero wala kang suweldo. Walang pera e. Pero dahil sa mahal mo ‘yung show at walang may nagsasalita, tahimik na lang ako,” saad ni Anjo.
Pero unti-unti naman daw siyang nabayaran lalo na nung pandemic na meron nang pumapasok na suweldo sa kanya.
Medyo mahirap pa rin talaga ang pinagdadaanan ngayon ng Eat Bulaga, at inaasahang maayos din at tuluy-tuloy lang ang pagpapasaya ng Dabarkads sa sambayanan.
Kaya hinabol ko pa rin ng tanong si Bossing Vic kung okay na ba sila sa Eat Bulaga, sa bagong management ng pamilya Jalosjos.
“I will comment on that when the right time comes. Tamang panahon,” safe pa rin niyang sagot sa amin.
Maja, matipid ang sagot tungkol sa kasal!
Kagaya ni Bossing Vic, matipid din ang sagot ni Maja Salvador kapag tungkol sa nalalapit niyang wedding ang pinag-uusapan.
Nai-share naman daw niya noon na sa July na nga ang kanilang kasal. Pero hanggang dun na lang. “Surprise na ‘yung iba. Ibigay n’yo na lang sa amin ‘yun,” pakiusap ni Maja nang sandali rin naming nakatsikahan sa mediacon ng bagong sitcom nilang Open 24/7.
Nasa wedding preparations pa rin daw sila at ‘yun daw ang pinagkakaabalahan nila every weekend. “Every weekends, ‘yun ‘yung lilipad-lipad.
“May mga kailangan ayusin. Nag-fitting fitting, sa ano…,” matipid na sagot ni Maja.
Nagpa-cute na lang siya ng sagot sa follow-up question kung sa isang isla ba ito sa ibang bansa.
Pero sinasabi naman ni Rambo Nuñez noon na destination wedding ito, pero hindi lang nila mabanggit kung saan.
Hindi kaya sa Palawan ito dahil tagaroon ang kapatid ni Rambo?
Samantala, nilinaw rin ni Maja na matagal nang inalok sa kanya itong Open 24/7, pati ang isa pang bagong show niya sa TV5 na Emojination.
Kaya nasakripisyo na ang Eat Bulaga, dahil sa naisasabay pa itong bagong shows niya sa kanilang wedding preparations.
“Matagal na ito. Nauna na ito, even nung nagkita tayo… a few days magkikita tayo ulit sa mediacon ng Emojination.
“Pero first quarter pa, ma-check n’yo naman sa Instagram ko lagi ako lumilipad-lipad kung saan saan.
“’Yun din… since mag-start na ‘yung Emojination, ‘yung 24/7… kailangan ko munang may isang mag… oo,” saad niya na kailangang i-let go ang Eat Bulaga dahil sa daily show ito.
Pero sobrang love raw niya ang Eat Bulaga, at malay raw natin baka pagkatapos ng wedding ay posibleng balik-EB siya.
Bagong-bago kay Maja itong Open 24/7 dahil kakaibang sitcom daw ito.
Lalo na’t nakakatawa naman ang mga kasamahan niya rito na bukod kay Bossing Vic ay may Jose Manalo pa na ang daming inputs sa pagpapatawa.
- Latest