Tito Sen, marami pang off-the-record na pasabog sa EB!
Lalong lumala ang mga pangyayari nang magpa-interview ang Dapitan Mayor Bullet Jalosjos sa Fast Talk With Boy Abunda.
Kaagad nag-react ang TVJ nang itinanggi ni Mayor Bullet na may pagkakautang ang TAPE, Inc. sa suweldo nina Vic Sotto at Joey de Leon.
Sabi ni Mayor Bullet, financially stable ang Eat Bulaga at wala silang pagkakautang kina Bossing Vic, Tito Joey at iba pang Dabarkads.
Nagpa-interview si Tito Sen kay Nelson Canlas sa GMA News, at pati na rin sa ibang network.
Nakasama ako sa interview ng PEP.Ph kay Tito Sen at marami siyang pasabog, lalo na ang mga off-the-record na ibinahagi niya.
Sabi ni Tito Sen, tahimik lang talaga sila magmula nang pumutok ang isyung ito ng Eat Bulaga.
‘Yun naman daw ang pinag-usapan nila noon na walang may magsasalita.
Nagulat na lang daw sila nang magpa-interview si Mayor Bullet na hindi nga raw nila nakikita sa studio, kundi doon lang daw sa kanilang general meeting nang inansuyo na ang pamilya Jalosjos na ang mamamahala ng programa dahil magri-retire na raw si Mr. Tony Tuviera.
Doon sinabi ni Tito Sen na pinag-retire pala nila si Mr. T. at hindi kusang nag-retire.
Ang dami raw naglabasang mga kuwento pero nanahimik lang daw sila. “Lahat ‘yan hindi namin sinasabi sa media. Gusto kami interbyuhin, sabi namin huwag na. We’re trying to solve e. ‘Yung ugali ng Eat Bulaga na we want to insulate everything from controversy,” pakli ni Tito Sen sa interview sa kanya ng PEP.Ph.
Pero kinontra niya ang sinabi ni Mayor Bullet na walang pagkakautang kina Bossing Vic at Tito Joey.
Pagkatapos daw nilang mag-meeting at nagkasundong babaan muna ang suweldo nila, nilinaw daw ni Bossing Vic sa kanila na dapat bayaran ang pagkakautang sa kanya, dahil nabayaran na niya ang tax nito.
“Nag-meeting. Pagbalik sa amin, sabi okay. Okay, good. Ibinaba’ yung salary, okay. Pero sabi ni Vic, ‘pero bayaran n’yo ‘yung utang n’yo ha? sabi ni Vic. Umoo. Okay sige.
“So, is It everything all set? Sabi niya.
“Lahat ng sinabi mali e. We can’t take it seating down. Kaya nung nag-meeting kami nung Sabado, sinabi namin kay Jun (Jalosjos). Sabi namin, ‘you know, everything was all good e.
“Let’s give it a try. E, bakit may mga salita nang ganyan? Biglang nagpa-interview na ang sabi, walang utang kay Vic at kay Joey?
“Dineny sa media. Pero hindi madi-deny sa papel, because si Jun Jalosjos mismo, siya nagpakita sa akin ng listahan e. Ipinakita pa niya kung sino pa sila may utang e.
“Sa isang kapatid (Maru Sotto) ko may utang din sila sa sales.
“Alam nila. Sabi nila, as soon as we’re getting better with our finances, siyempre bawas-bawasan natin. Huhulugan,” bahagi ng mahabang paliwanag ni Tito Sen.
Nakipag-usap na si Tito Sen sa kanilang legal team, ang Divina Law para pag-usapan ang pag-aari sa titulong Eat Bulaga.
Kung hindi ito maaayos, posible kayang lumipat ang programang Eat Bulaga sa ibang istasyon?
Inamin ni Tito Sen na dalawang TV network na ang nag-aalok sa kanila ng programa, kasama ang buong Dabarkads.
Ani Tito Sen, “I have no problem saying that we’re getting offers from two other stations.
“We acquired the services of Divina Law, to look into everything… the situation. Kasi, it’s not because of us or for us. It’s because of the small people in the production.”
Maja, tuhog sa dalawang istasyon!
May sakit lang ngayon si Vic Sotto, kaya hindi natuloy ang taping ng pilot episode ng bagong sitcom nila ni Maja Salvador na Open 24/7.
Kaya hindi na rin namin makulit si Bossing Vic na kapanayamin din sana namin tungkol sa mainit na isyu ng Eat Bulaga.
Chill chill na lang muna siya ngayon dahil kailangan niyang mag-focus sa sitcom na ipapalit sa Daddy’s Gurl.
Since hindi natuloy ang taping nila, humarap muna si Maja sa iba niyang programa. Bukod sa sitcom na Open 24/7, meron pa pala siyang isa pang programa sa TV5 na pinamagatang Emojination. Isang comedy game show naman ito na kung saan co-host niya rito si Awra Briguela.
Nagpaalam naman daw si Maja kina Bossing Vic na gagawin niya ito para sa TV5.
Kaya ang bongga ni Maja na nalalagare niya ang show niya sa GMA 7 at TV5.
- Latest