Anak nina Bianca at Iza, kinumpara sa anak nina Solenn at Anne
Ipinakita na ni Bianca King ang baby girl nila ng asawang si Ralph Wintle at hindi lang sa photos makikita ang baby dahil may video rin ito. Ang cute ng baby, lalo na sa photos na kinakausap siya ni Bianca dahil nakikinig.
Hindi pa nababanggit ni Bianca ang pangalan ng kanyang baby na pinsan ng baby girl nina Iza Calzado at Ben Wintle. Para palang sina Tili at Dahlia ang mga anak nila at okay sana kung sabay silang lalaki para mas close.
Sa mga magtatanong kung sino sina Tili at Dahlia, si Tili ay anak nina Solenn Heussaff at Nico Bolzico at si Dahlia ay anak nina Anne Curtis at Erwan Heussaff. Magpinsan ang dalawang bata dahil magkapatid sina Solenn at Erwan.
Concert ni Vice, ‘di lumebel sa presyo ng mga K-pop
Kasunod ng concert ni Sarah Geronimo sa May 2, ang concert ni Vice Ganda sa June 2, 2023 sa Smart Araneta Coliseum pa rin billed “Your MemeJesty Queen VG.” On sale na ang tickets sa Ticketnet, kaya bago kayo maubusan, bili na kayo.
Comeback concert ito ni Vice, kaya big concert at doble at baka triple pa ang paghahanda.
Sa poster pa lang, pasabog na si Vice rin siguro ang may concept at ibinagay sa title ng concert.
In fairness, hindi masyadong mahal ang tiket sa concert ni Vice at ang pinakamahal ay P8,500 (Platinum) at ang pinakamura ay P500 (General Admission). Hindi siya kasing presyo ng K-pop concert na ang mamahal.
Sa mga nababasa naming comments sa Instagram ni Vice Ganda, marami ang gustong manood ng kanyang comeback concert at marami sa kanila ang nakabili na ng tiket at hinihintay na lang ang June 2 para pumunta na sila ng Big Dome.
Gabbi, inaabangan sa kapamilya shows!
Pinatay na ang karakter ni Gabbi Garcia sa Mga Lihim ni Urduja dahil siguro malapit na ang airing ng Unbreak my Heart na isa rin siya sa mga bida.
Ayaw ng ABS-CBN at GMA Network na malito ang viewers kung patuloy siyang napapanood sa serye ng GMA 7 at napapanood din sa teaser ng series na first collaboration ng Kapamilya at Kapuso Network.
Kaya siguro wala si Gabbi sa second teaser ng Unbreak my Heart para ikondisyon muna ang viewers at makalimutan muna si Crystal (name ng karakter ni Gabbi sa Mga Lihim ni Urduja) bago siya mapanood sa teaser ng Unbreak my Heart.
Sa kanyang post sabay ng pagkamatay ng karakter niya sa Urduja, ang caption ni Gabbi na “The ray of sunshine we never knew we needed thank you, Crystal! #MgaLihimNiUrduja,” ay pinag-reakan ng viewers ng series.
Bakit daw pinatay agad ang karakter niya?
May naniniwala naman na bubuhayin siya ng mga hiyas ni Urduja ay may nag-comment na hindi puwedeng mawala ang isa sa main character. Kaya lang, nangyari na at sa Monday episode, malalaman natin kung pumayag si Gem (Kylie Padilla) na i-cremate si Crystal.
At least, sa pagkawala niya sa Urduja, makakapag-promote na nang todo si Gabbi sa Unbreak my Heart. May mga nagtatanong din pala kung magpo-promote siya sa shows ng ABS-CBN at kung magpo-promote sina Jodi Sta. Maria at Joshua Garcia sa shows ng GMA 7?
Interview ni Boy kay Vanessa Hudgens, naka-private na!
Totoo ba ito? Hindi na mapapanood sa YouTube ang interview ni Boy Abunda kay Vanessa Hudgens at kapag binisita ang link, ang mababasa ay “This video is private.” Kaya may nagreklamo ng “I was watching it and you guys removed it. What happened?”
Ayan tuloy, naniniwala ang netizens na may isyu sa nasabing interview ni Boy.
Ang sunod na tanong ay kung sino ang nagpaalis sa YouTube link ng interview na controversial na nga, mas lalo pang naging controversial dahil sa balitang ito.
Gustong malaman ng netizens kung may kinalaman din si Director Paul Soriano sa pagiging private na ng interview ni Boy kay Vanessa o ang agents sa States ni Vanessa ang may gusto?
Sabi naman ng mga nakapanood na sa interview, wala namang controversial na itinanong si Boy sa Hollywood actress at game naman si Vanessa sa pagsagot sa mga tanong.
Tiyak na makakarating ito kay Boy at hintayin natin ang kanyang reaction sa balitang ito, sakaling totoo nga at siguradong aalamin nito ang rason bakit naka-set na sa private ang masayang interview.
- Latest