Rey, may payo kay Moira para humaba ang kanta
Simula April 8 ay mapapanood na sa mga sinehan ang pelikulang Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko na pinagbibidahan ni RK Bagatsing.
Tampok sa naturang Metro Manila Summer Film Festival entry ang buhay ni Rey Valera.
Napahanga umano ang OPM icon dahil sa magaling na pagganap ni RK bilang si Rey. “Pinagmamalaki ko si RK sa lahat ng nagtatanong sa akin. Maswerte ang batang ito. Mahalaga sa akin ang swerte. Ang laki ng impact niya. Hindi pa niya siguro nare-realize ‘yung inspiration na magagawa niya. Twenty years ago, nagkatagpo ang aming landas ni direk. Sabi niya sa akin, that time na-inspire ko raw siya. So imagine ‘yung mai-inspire ni RK na mga bata (na makakapanood ng pelikula). Mayroong pag-asa,” makahulugang pahayag ni Rey.
Si Joven Tan ang direktor ng bagong pelikula.
Ayon kay Rey ay kahanga-hanga rin kung paano ginawa ng direktor ang proyekto. “No’ng ginagawa ni direk ‘yung script, sabi ko mayroong libro. At halos lahat naipakita sa pelikula. Sino ba naman ang mag-aakala na ang buhay ng isang nerd ay pwede palang gawing pelikula. Napaka-intellectual ng pelikulang ito. Na-realize at na-appreciate ko lahat ng hirap na ginawa ni direk sa pelikulang ito. Humanga ako sa kanya,” pagtatapat niya.
Samantala, para kay Rey ay isa si Moira dela Torre sa mga pinakamagaling na singer-composer mula sa bagong henerasyon.
Sumasang-ayon si Rey na si Moira ang sumusunod sa kanyang mga yapak pagdating sa paglikha ng mga makabuluhang kanta. “Si Moira, magaling na songwriter ‘yan. Emotional siyang gumawa ng kanta. ‘Yung mga gawa ni Moira, maganda na ‘yan. Ang tip ko lang, try naman niyang ibahin ‘yung topic o tema. Approved ako na she’s the next Rey Valera. Magaling siyang songwriter. Ma-realize niya lang dapat na hindi siya gumagawa para sa sarili niya, dapat sa audience niya. At para humaba-haba pa ang mga kanta mo at marami ka pang magawa, dapat ang concentration mo ay sila (audience) at hindi ikaw,” pagtatapos ng OPM icon.
LT, kakaiba ang gagawin sa Quiapo...
Sa mga susunod na linggo ay mapapanood na si Lorna Tolentino sa FPJ’s Batang Quiapo ni pinagbibidahan ni Coco Martin.
Matatandaang huling nagkatrabaho ang dalawa sa FPJ’s Ang Probinsyano na nagtapos noong isang taon.
Ayon sa premyadong aktres ay talagang kaabang-abang ang kanyang bagong karakter sa serye. “Mabuti nga hindi lola,” natatawang bungad ni Lorna.
Kabilang din ang aktres sa pelikulang ‘Yung Libro Sa Napanood Ko’ na pinagbibidahan ni Bela Padilla.
Sa Korea pa kinunan ang karamihan sa mga eksena sa pelikula. Na-enjoy umano ni LT ang kanilang naging shooting sa Korea. “Sana nga gano’n din sa atin, na tuloy-tuloy na sana. No’ng pandemic nagkaroon ng number of hours, nagkaroon ng lock in, but ngayon, sana ma-maintain ‘yung number of hours din.“
Si Bela rin ang nagsilbing direktor para sa bagong pelikula.
Napahanga daw si LT sa pagiging magaling na direktor ng dalaga. “Amazing! Humahanga ako na pinapanood ko lang siya, tinitingnan ko eh. Walang pressure sa kanya, hindi siya nai-stress. Siguro kasi alam niya ‘yung ginagawa niya at naka-focus din siya sa work.
“Alam niya ‘yung mga characters. So mas madali for everybody. And she knows kung ano ‘yung ginagawa niya, alam niya,” pagbabahagi ng beteranang aktres. — Reports from JCC
- Latest