Elha, may steak business!
Kamakailan ay sinimulan na ni Elha Nympha ang kanyang negosyong food stall na matatagpuan sa University of the Philippines. Para sa singer ay talagang maganda ang pwesto ng kanyang napiling negosyo dahil sa rami ng mga estudyanteng kumakain sa lugar. “Nag-start po ako no’ng Jan. 28, soft opening. Then February nag-grand opening po kami. Parang ‘yung canteen na ‘yon is ‘yung official na canteen ng UP na kaka-open lang.
“‘Yung Gyud Food katabi po ng Mang Larry’s. Tapos super dami ng food stalls, super ganda ng foot traffic kasi lahat ng students doon kumakain. ‘Yung sini-serve po namin, ako po steak. Kasi may business partner po ako,” nakangiting pahayag ni Elha.
Ayon sa singer ay naisipan niyang simulan ang pagnenegosyo dahil nagkaroon na ng sapat na ipon. “Last year po napag-isipan ko po dahil medyo maraming events. Marami ang earnings, bakit po hindi ako mag-start ng business. If ever na malugi kaya ko naman po ma-recover. So sabi ko, ‘Mama, magbi-business po muna ako.’ Nakaipon po ako for that like personal savings ko po,” kwento ng dalaga.
Masayang-masaya si Elha dahil unti-unti nang natutupad ang kanyang mga pinapangarap lamang noon.
Matatandaang bata pa lamang ay ang pagtitinda ng banana cue ang dating ginagawa ng singer bago pa tanghaling grand champion ng The Voice Kids Season 2 noong 2015. “Siyempre po very fulfilling at feeling blessed po kasi ‘yon ang isa po sa dream ko. Mahilig kasi ako mag-multitask at marami po akong pinapangarap. And masaya po ‘yon na pagkanta ko po natupad ko. ‘Yung next dream ko po is natupad ko po ulit. Parang ang saya,” pagbabahagi ng singer.
Alessandra, nag-shopping habang hirap na hirap sa eksena si Empoy
Taong 2017 nang unang pumatok sa mga manonood ang tambalan nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez sa pelikulang Kita Kita. Ngayon ay muling magpapakilig ang dalawa sa Walang Kaparis na mapapanood naman simula ngayong araw sa pamamagitan ng Prime Video.
Para kay Alessandra ay ibang-iba ang tema ng kanilang bagong proyekto ni Empoy ngayon. “Kasi sa Kita Kita it was a two-week love story. Dito sa Walang Kaparis, mahaba ‘yung love story. Medyo malalim ‘yung love. At saka Kita Kita, as ourselves kami do’n. ‘Yung kahit anong i-adlib ni Empoy pwede, ako rin. Pero dito may character kami na pino-portray na malayung-malayo sa buong pagkatao namin, so it was an acting piece,” paglalahad ni Alessandra.
Sa Paris kinunan ang karamihan sa mga eksena ng bagong pelikula ng tambalang Alempoy. Ayon kay Alessandra ay may isang tagpo na talagang hindi kaagad naintindihan ng aktor. “Ang dami masyado para sa mga pinagdaanan namin ni Empoy. May isang scene na sobrang tagal bago niya nakuha. Ang tagal talaga, tapos nakapag-shopping na ako sa mall sa tapat, nando’n pa rin sila. In fairness ha, hindi pa rin nage-gets ni Empoy. Tapos the following day after lunch, nakatulala siyang gano’n sabi niya, ‘Malungkot pala ‘yung kinunan kong eksena?’ Do’n pa lang niya na-process, the following day pa,” natatawang kwento ng aktres.
Natutuwa si Alessandra dahil mas marami ngayon ang makakapanood ng Walang Kaparis dahil sa naturang online streaming platform. “We’re happy. One, pandemic, two, sabay-sabay makakapanood worldwide. Hindi katulad dati na ‘yung mga abang nang abang na gusto nila maging part din sila ng gang. Ngayon anytime, anywhere mapapanood na siya,” pagtatapos ng aktres. — Reports from JCC
- Latest