Jolina, nakaranas ng malaking hamon bilang asawa at ina
Katulad ng ibang mga mag-asawa ay nagkakaroon din ng hindi pagkakaunawaan sina Jolina Magdangal at Mark Escueta. Ayon sa aktres ay sinisiguro naman nilang mag-asawa na mapag-usapan kaagad kung ano man ang naging isyu upang magkaayos. “Kailangan pag-usapan agad. At saka isang natutunan ko kay Mark nung mag-girlfriend-boyfriend pa lang kami, kapag napag-awayan na natin ito o napag-usapan na natin ito, ‘wag mo nang ibabalik kasi aayusin ko na. So, nag-stick talaga ako roon na kapag napag-usapan namin, selos man ‘yan o ano, hindi ko na ‘yan ilalabas ulit kasi napag-usapan na. So nagtiwala ako sa kanya roon at gano’n naman ang nangyari,” kwento ni Jolina.
Kamakailan ay nakaranas ang Magandang Buhay host ng isang malaking hamon bilang asawa at ina para sa dalawang anak. “Medyo na-test din kami, na-challenge din kami dahil wala kaming helper. More than a year wala kaming helper, home school si Pele, si Vika, kami ang teacher. Ang daming ginagawa, na-overwhelm ako. Basta nahirapan talaga ako. Tapos sinabi ko sa kanya, ‘Pakiramdam ko hindi mo ako naa-appreciate.’ May ‘Hindi mo kaya.’ Pero kung paano niya sinabi na-realize ko na, ‘Oo nga, ayaw ko na ng pride.’ Sabi niya, ‘Akala mo kasi kaya mo, pero hindi mo kaya at okay lang ‘yon,’” emosyonal na pagbabahagi ng aktres.
Para kay Jolina ay malaking bagay na mayroon siyang mister na talaga namang palaging nakasuporta sa lahat ng kanyang ginagawa. “Sabi ko kasi, ‘Gusto ko makita nila na kaya ko lahat para kapag wala ako, mami-miss nila ako.’ O kaya, ‘Ay! Ang galing ni mama, super mama’ o ‘Ang galing ng asawa ko, super asawa.’ Pero hindi pala ganoon ‘yon. Kapag hindi mo kaya, okay lang ‘yon kasi pwede naman niya akong tulungan. Mula noon mas naging magaan lahat. Mas nagtulungan kami, naglalaba na rin siya, nagtutupi (ng mga damit) na rin siya,” pagtatapos ng actress-singer.
John, ramdam ang sinseridad ni Coco
Mainit ang naging pagtanggap ng mga manonood sa FPJ’s Batang Quiapo na pinagbibidahahan ni Coco Martin. Kabilang din si John Estrada sa naturang proyekto na gumaganap bilang si Rigor. Matatandaang tumatak din ang karakter ni John bilang si Armando sa FPJ’s Ang Probinsyano na nagtapos ilang buwan pa lamang ang nakalilipas. Ayon kay John ay sinabihan na siya kaagad ni Coco noong isang taon na muling makakasama sa bagong seryeng gagawin. “No’ng nasa Probinsyano pa lang kami, sinabi na niya sa akin na sa susunod niyang project, kukunin niya ako. What a generous man, so down to earth,” pagtatapat ni John.
Patuloy na inaabangan at pinag-uusapan ng mga manonood ang bawat tagpo sa FPJ’s Batang Quiapo. Ramdam umano ni John na talagang napamahal na si Coco sa mga tagahanga dahil sa maayos na pagtatrabaho bilang aktor at direktor. “Personally, I think the reason why they love Coco is because they can see the sincerity in him. How hard he works, how good he is as a person and most especially, they can relate to him,” paliwanag niya.
Kakaibang karanasan din para kay John na makapagtrabaho sa isang lugar na katulad ng Quiapo. “To be shooting in the heart of Quiapo is such an experience. Sari-saring tao at iba’t ibang tao ang makikita mo. Of course, you have to be on your toes at all time, dahil alam mong magagaling ang mga kaeksena mo,” paglalahad n aktor.
(Reports from JCC)
- Latest