^

PSN Showbiz

Gitarang pirmado ng Eraserheads isusubasta para sa Parokya ni Edgar member na may cancer

James Relativo - Philstar.com
Gitarang pirmado ng Eraserheads isusubasta para sa Parokya ni Edgar member na may cancer
Sa litratong ito, ika-2 ng Pebrero 2023, makikita ang autographed electric guitar ng bandang Eraserheads na siyang ipapa-auction upang makatulong sa miyembro ng Parokya ni Edgar na si Gab Chee Kee na mayroong lymphoma.
Mula sa Instagram account ni Chito Miranda

MANILA, Philippines — Magsisimula sa P50,000 ang bid sa ipapa-auction bukas na electric guitar na pirmado ng '90s rock band na Eraserheads upang makalikom ng pera para sa Parokya ni Edgar gitarista na si Gab Chee Kee na mayroong sakit na cancer. 

Enero lang kasi nang ibalitang na-diagnose ng lymphoma si Gab Chee Kee dahilan para hindi na siya makatugtog kasama ang kanyang banda. Kinakailangan kasi niyang sumailalim sa gamutan, kung saan kakailanganin ang pera.

"Malamang alam naman ninyo na sobrang fans kami ng Eheads... lalo na kam ni Gab (si Gab ang unang nagparinig sa akin ng Eheads nung 3rd year highschool kami...at nasira na ang ulo ko sa kanila ever since!)," wika ni Chito Miranda, bokalista ng Parokya, Biyernes.

"Sila talaga ang isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit binuo namin ang Parokya. Sa kanila din kami unang nag-front act nung nagsisimula pa lang kami at naging inspiration namin sila sa lahat ng ginawa at ginagawa namin bilang banda."

"Ngayon, nagbigay na naman sila ng panibagong dahilan kung bakit sila ang ultimate idol namin. Maraming salamat, mga idol. This is for Gab."

Ang naturang D&D guitar ay dinisenyo mismo ni Gab. Kulay berde ito dahil sa paborito niyang superhero na si Green Lantern.

Magsisimula ang bidding simula bukas, 12:00 ng tanghali at tatagal ng 10 araw (hanggang ika-14 ng Pebrero). Sinasabing magsisimula ang bid sa halagang P50,000.

Maaaring magpadala ng bid sa [email protected] na may subject na [Bid para kay Gab]. Para sa mga nais sumali, kinakailangang ilagay ang halaga ng bid, buong pangalan at numero sa telepono. Ibeberipika ang bid gamit ang email o text message.

Hindi bibilangin ang mga bids na unverified o kulang-kulang ang detalye. Sa kabila nito, pwedeng magpadala ng maraming bid.

Ang mananalong bidder ay aabisuhan sa e-mail at text at maaaring ipaskil din sa Parokya ni Edgar Official Facebook Page.

"No joy bidding please...para di kami mahirapan basahin yung mga email at hanapin yung totoong highest bidder," sabi pa ni Chito.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang ipa-auction naman ng bandang Typecast ang isang D&D acoustic guitar na pirmado ng banda para sa halagang P50,000, na siyang ilalaan din para kay Gab.

Una nang inanunsyo na magkakaroon ng mga fundraising gigs ang mga kaibigan ng Parokya ni Edgar sa industriya ng musika upang matulungan si Gab sa gastusin sa ospital.

CANCER

ERASERHEADS

LYMPHOMA

PAROKYA NI EDGAR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with