Agot, lovelife ang gustong Pamasko!
‘Yung di siya babaguhin
Isa sa wish ni Agot Isidro this Christmas ay magka-love life.
Oo nga raw at happy and complete ang feeling niya sa kasalukuyan, naniniwala siyang, iba pa rin ang kaligayahan ng may jowa.
“Ano na ‘ko, eh, complete and I’m happy. Actually, I’m happy being alone but di ba, parang masaya rin ang may kasama,” kumpisal ni Agot pagkatapos ng mediacon ng MMFF entry na Family Matters.
“Hindi ko naman siya actively na hinahanap. It would be nice, it would be pleasant. It could be a gift,’ dagdag pa ng magaling na aktres at singer din
Naramdaman niya ba na handa na ulit talaga siyang ma-in love?
“Actually, wala lang. Parang maybe siguro, it’s the holiday season kaya medyo nararamdaman ko ‘yung lungkot. Konti lang naman. Pero pag iniisip mo na baka naman hindi ibinibigay sa ‘yo dahil hindi ka pa handa. Actually, parang okay pa naman ako, being alone. But then, it would be nice,” aniya pa.
Pero hindi pa rin daw siya magko-compromise. Kilalang choosy si Agot.
“Oo. At this point, I will not compromise. Kasi okay naman nga ako.
Paliwanag niya kasi: “Matanda na ako, mahirap na akong magbago,” natatawa niyang chika.
Basta para sa kanya, kailangan lang daw ay mabait ang nasabing lalaki at tatanggapin siya at hindi siya kailangang baguhin.
Huling nakarelasyon ni Agot si Florin Hilbay na former Solicitor General at kumandidatong senador noong 2019 election na isa ring lawyer.
Walang official statement si Agot kung kailan sila nag-split nito.
Maalalang nauna na siyang ikinasal kay Manu Sandejas noong taong 2000 at na-annul naman noong 2010.
Samantala, hatid ng gumawa ng Metro Manila Film Festival box-office hit na Miracle in Cell No. 7, ang isa pang pelikulang kukurot sa puso at magbibigay ng inspirasyon at saya sa buong pamilya ngayong Pasko.
Sina director Nuel Naval at writer Mel Mendoza-del Rosario ay nagtambal na muli para sa light family drama na Family Matters ng Cineko Productions.
Isa si Agot sa gumaganap na anak nina Noel Trinidad at Liza Lorena kasama sina Nonie Buencamino, Agot Isidro, Mylene Dizon, James Blanco, Nikki Valdez, JC Santos, Ana Luna, Ina Feleo, Ketchup Eusebio, Roxanne Guinoo, at introducing, Ian Pangilinan.
Ang kuwento ay tungkol sa mag-asawang may edad na sina Francisco at Eleanor, at ang kanilang mga anak: ang successful na panganay na si Kiko; ang homemaker na si Fortune, ang single pa rin na si Ellen, at ang happy-go-lucky na si Enrico. Nabulabog ang kanilang buhay nang magdesisyon si Ellen (na nag-aalaga sa kanyang mga magulang) na magtungo sa US para subukang hanapin ang kanyang pag-ibig doon. Mababahala ang mga magkakapatid sa pag-alis ni Ellen at maghahali-halili sila sa pag-aalaga sa kanilang mga magulang, lalo na sa sakiting si Francisco.
Dahil sa mensahe ng pelikula, inapruban agad nina Mayor Enrico Roque at ng mga executive ng Cineko ang pitch nina Mel at Direk Nuel. Sakto sa panlasa ng Cineko ang family-oriented movie. “Family drama ang kanilang hinahanap dahil matagal nang walang nagpo-produce ng ganito,” paliwanag ni Mel. “Nang mabasa ang script, nagustuhan agad. Halos walang comment. Binigyan kami ni Nuel ng kalayaan sa pagpili ng mga artista at sa paggawa ng pelikula,” dagdag ng mahusay na writer.
Matagal nang naisulat ni Mel ang Family Matters. Taong 2018 nang nagsimula siya at si Direk Nuel na maghanap ng producer, hanggang napunta ang script sa CineKo nitong 2022. “Para sa akin, ito ang tamang panahon para sa Family Matters,’” sabi naman ni Direk Nuel. “Dahil sa pandemic, na-realize natin na napakaikli ng buhay. Kaya’t dapat sulitin ang mga araw na kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay. Bigyang halaga ang ating mga mahal sa buhay hindi bukas… kundi ngayon,” pagdiin ni Direk Nuel.
Marami ngang nag-aabang sa pelikulang ito. Sa loob lamang ng iilang araw, nakakuha ang trailer ng Family Matters na ng 35-million+ views sa iba’t-ibang platforms.
Ayon kina Mel at Direk Nuel, maski ano pa man ang edad, kasarian, o social status, makaka-relate ang bawa’t isa sa atin sa mga karakter sa pelikula. “Maraming light and funny moments... Totoong nangyayari sa pamilya. Ito ang ang kuwento ng bawat pamilyang Pilipino.”
- Latest