Jaime Fabregas, bida sa bagong edisyon ng Sagip Pelikula
Bibigyang-pugay naman ng Sagip Pelikula ang premyadong aktor at musical scorer na si Jaime Fabregas sa panibagong edisyon ng Spotlight series nito ngayong Disyembre, tampok ang ilan sa kanyang digitally-restored classics kabilang ang Star Cinema comedy hit na Here Comes the Bride sa KTX.ph
Sa halos limang dekada sa industriya, kinikilala si Jaime bilang isa sa mga tinitingalang beteranong aktor sa kasalukuyan, kung saan bumida siya sa ilang Pinoy classics tulad ng Ganito Kami Noon... Paano Kayo Ngayon? pati Oro, Plata, Mata, at mas nakilala rin bilang Lolo Delfin sa longest-running Kapamilya action-serye na FPJ’s Ang Probinsyano.
Kasabay ng kanyang karera bilang aktor, tanyag din siya bilang award-winning musical scorer. Isa at pinaka-una sa mga pelikulang nalapatan niya ng musika ay ang experimental film na Misteryo sa Tuwa na unang ipinalabas noong 1984.
Maliban sa kanyang mga kontribusyon bilang aktor at scorer, isa rin si Jaime sa mga sumusuporta sa adhikain ng Sagip Pelikula sa pag-restore ng mga natatanging pelikulang Pilipino para sa mga manonood ngayon.
Aniya sa kanyang panayam kasama ang ABS-CBN Film Restoration head na si Leo Katigbak, maituturing na sining ang lahat ng pelikula at ito ay karapat-dapat pahalagahan para masaksihan ng mga susunod pang henerasyon.
Samantala, tampok naman sa panibagong Spotlight series ang digitally-restored 2010 comedy film na Here Comes the Bride,” kung saan isa rin siya sa mga bida nito at nakatanggap ng ilang nominasyon sa Golden Screen Awards at FAMAS Awards.
Pinagbidahan din nina Angelica Panganiban, Eugene Domingo, Tuesday Vargas, at John Lapus, iikot ang istorya nito sa pagkakapalit-palit ng mga kaluluwa nina Precy (Eugene), Medelyn (Tuesday), Lolo Bien (Jaime), Toffee (John), at ng bride-to-be na si Stephanie (Angelica) matapos silang maipit sa isang aksidente bago ang pinakahihintay na kasalang magaganap.
Palabas na ang digitally-restored Here Comes the Bride, na may kasamang pre-show interview kasama si Jaime, sa KTX. Mabibili na ang tickets nito sa https://bit.ly/HCTBonKTX sa halagang P150.
- Latest