NBI ililipat Vhong Navarro sa Taguig City Jail sa kabila ng 'banta sa buhay'
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng National Bureau of Investigation na nakatakdang ilipat si Vhong Navarro mula sa kanilang pangangalaga papunta sa Taguig City Jail — ito kahit takot ang pamilya ng TV host-actor para sa kanyang kaligtasan doon.
Setyembre lang nang sumuko si Vhong, na siyang humaharap sa kasong rape at acts of lasciviousness na inihain ng modelong si Deniece Cornejo.
"On 14 November 2022, the National Bureau of Investigation – Security Management Section (NBI-SMS) had received the Order from Regional Trial Court Branch 69, to commit FERDINAND 'VHONG' H. NAVARRO to the Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Taguig City Jail – Male Dormitory, Camp Bagong Diwa, Taguig City," wika ng NBI, Miyerkules.
"NAVARRO will have to undergo the mandatory Medical Examination, including RT-PCR test, in compliance with the health protocol requirements prior to his transfer to BJMP, Taguig City."
Oktubre lang nang ibasura ng Taguig Regional Trial Court ang mosyon ni Navarro na patuloy iditine sa NBI. Una nang sinabi ng kampo ni Cornejo na Taguig Regional Trial Court ang naglabas ng warrant para kay Vhong kung kaya't dapat daw ay sa Taguig City Jail siya mailagay.
Matatandaang sinabi noon ng asawa ni Vhong na si Tanya Bautista-Navarro na posibleng malagay sa peligro ang buhay ng mister kung sakaling mailipat sa Taguig mula NBI Manila matapos makatanggap ng ilang pagbabanta sa text.
Sa kabila nito, iginiit ng Taguig RTC na hindi raw dapat paniwalaan ang mga naturang text message lalo na't may mandato raw ang Taguig City Jail na pangalagaan ang karapatang pantao ng mga preso. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag
- Latest