Brigada 11 taon na, sexual abuse sa kabataan kinalkal
Ngayong Sabado (October 22), bilang bahagi ng ika-11 taon ng Brigada, isang komprehensibong ulat ang tututukan ni Kara David at ng kanyang ka-Brigadang si John Consulta tungkol sa kaso ng pang-aabusong sekswal sa mga menor de edad.
Ayon sa CAMELEON Association Philippines, tinatayang nasa 7 milyong kabataan ang nagiging biktima ng sexual abuse sa bansa kada taon.
Ganito ang naging karanasan ng 12 taong gulang na ngayong si Lara sa kamay ng itinuturong salarin na si Bernard. Kaibigan ng kanyang ama at itinuring na parang pamilya si Bernard kaya matinding trauma ang naidulot nito sa biktima na tiniis niya ng anim na taon sa loob pa man din mismo ng kanilang tahanan.
Samantala, may mga kaso rin ng mga dayuhang pumapasok sa bansa na ang pakay diumano ay mangmolestiya ng mga menor de edad. Sa katunayan, isang British national ang inaresto kamakailan sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa diumano’y pagkakasangkot nito sa child pornography.
Nitong buwan, isang foreign national naman ang hinuli sa Catanduanes dahil sa overstaying sa bansa. Lumalabas na may kinahaharap din palang iba’t ibang kaso ang dayuhan para sa mga diumano’y ginawa nitong pangmomolestiya sa ilang bata sa Davao City.
Sisiyasatin din nina Kara at John kung bakit patuloy itong nangyayari sa kabila ng pagkakaroon ng batas ukol dito, at kung paano nga ba makababangon ang mga biktima mula sa bangungot na dinanas.
Simula 2019, naging host na ng Brigada si Kara na kilala rin bilang The Country’s Premier Documentarist. Bagay na kaniyang ikinararangal dahil dati’y Brigada Siete siya unang nasabak bilang reporter.
“Nabigyan ako ng pagkakataon na maging junior reporter ng programa na kinabibilangan ng mga magagaling na reporter. Ma’am Jessica Soho was our senior reporter. Kaya noon pa man, malaking karangalan na sa akin na mapabilang sa programang Brigada Siete,” pagbabahagi ni Kara.
- Latest