JC, may payo sa mga dumaranas ng depression
Kabilang si JC Alcantara sa pelikulang An Inconvinient Love na pinagbibidahan nina Belle Mariano at Donny Pangilinan.
Ginampanan ni JC ang karakter ni Dobs na mayroong autism spectrum disorder O ASD sa bagong proyekto. Ayon sa aktor ay talagang pinaghandaan niya ang role na ngayon pa lamang niya gawin. “Hindi siya joke na i-portray kasi ang dami mong ipi-prepare. May pinsan akong gano’n. Habang ina-acting ko, naiiyak ako kasi ang hirap pala. So kailangan maging aware ako. ‘Direk, okay ba ito? Tama ba ‘to?’ Kasi ayokong mapahamak ‘yung pino-portray kong role. Ayun, naging okay naman,” kwento ni JC.
Para sa binata ay kapupulutan ng aral ng mga manonood ang bagong pelikula dahil sa makabuluhan niyang pagganap. “Masaya na mag-portray ng role na ganoon kasi alam naman natin na maraming mayroong ASD. Kailangan talaga maging maingat tayo sa mga pino-portray nating roles at kailangan panindigan natin ito nang maayos, nang mabuti,” giit ng aktor.
Samantala, kagabi ay napanood din si JC sa Maalaala Mo Kaya na pinagbidahan ni Charlie Dizon. Tampok sa episode ang istorya ng taong nagkaroon ng mental health condition na ginampanan ni Bea Basa.
Mayroong payo si JC para sa mga miyembro ng pamilya na dumaranas nito. “Ang depression at ‘yung may mental health condition, minsan kasi akala nila, ‘Hindi, problema lang ‘yan.’ Ang bigat ng pinagdadaanan nila. Kaya lalong mas lumalala dahil sa mga nakikita nila sa mga tao, nasasabi ng mga tao na nagti-trigger sa kanila. Mas magiging malungkot pa sila, tapos lalala ‘yon. Dapat sa mga merong ganito, huwag nating ikulong ang mga sarili natin sa dilim. Humanap tayo ng mga taong magpapasaya sa ‘tin. Humanap tayo ng mga taong tutulong sa atin. At siyempre, pumunta ka pa rin sa doktor,” pagtatapos ng binata.
Kim, napi-pressure sa mga influencer
Sa loob ng halos isang dekada ay walang naugnay na ibang babae kay Xian Lim. Ayon sa kasintahang si Kim Chiu ay talagang buo ang tiwala niya sa aktor. “Mr. Right naman talaga siya. Hindi naman niya pinapasakit ang ulo ko. Very loyal, kahit iharap ko siya sa lahat ng mga girls, ako pa rin ‘yung maganda,” nakangiting pahayag ni Kim.
Kahit matagal nang magkasintahan ay hindi pa naman daw nagpaplano na magpakasal ang dalawa. “30, 31 (years old) pa lang naman kami. Sa day and age ngayon, masyado pang maaga ‘yon,” giit ng dalaga.
Samantala, isa si Kim sa mga artistang mataas ang following sa social media. Aminado ang dalaga na nakararamdam na rin ng pressure dahil sa ibang mga kabataang social media influencers. “Humahabol ako sa YouTube. Humahabol ako sa TikTok. It’a a bigger world for each and everyone. Kahit nasa bahay ka lang, marami ‘yung views. Mabilis ‘yung digital era na meron tayo ngayon. Ang dami na nating kilala.” (Reports from JCC)
- Latest