Robin, pinatunayang nega sa droga
Dahil sa pagkahuli kay Dominic Roco sa isang drug buy-bust operation sa Quezon City nung nakaraang weekend, mga artista naman ngayon ang pinagdiskitahan ng isyung droga.
Pinasimulan ni Cong. Ace Barbers ang panukala sa Kongreso na dapat daw dumaan sa mandatory drug testing ang mga artista bago bigyan ng trabaho.
Ang mga artista raw ang madalas na iniidolo ng mga tao, kaya dapat na magbigay raw ito ng magandang halimbawa.
Napapabalita kasi agad kapag artista ang nahuli, kaya dapat na patunayan nilang malinis at hindi lahat na mga artista ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Kaya dapat na pasimulan daw ng mga taga-showbiz ang mandatory drug testing.
Naniniwala naman daw silang karamihan sa mga artista ay maayos at hindi naman nalulong sa ipinagbabawal na bisyo, pero nadadamay lang daw sila sa mangilan-ngilang naliligaw at nasasangkot sa ganitong gawain.
Kung maisasabatas ito ng Kongreso, bale may RT PCR test na, may drug test pa bago ka pumasok sa isang taping o shooting.
Karamihan sa mga artista ay nag-react dahil bakit sa kanila na naman daw ito ngayon naka-focus?
Sabi nga ni Paolo Contis nang hiningan namin ito ng reaksyon, “Okay lang naman sa akin gawin mandatory ‘yun. Pero hindi lang dapat sa mga artista. I think dapat lahat naman ng sector, meron niyan.”
Parang unfair nga namang sa mga artista lang naka-focus.
Sinubukan ko ring hingan ng reaksyon dito ang grupong AKTOR sa pangunguna ni Dingdong Dantes, pero hindi pa siya nakasagot as of presstime.
Samantala, pinangunahan na ni Sen. Robinhood Padilla ang drug testing sa PDEA kahapon. Inilabas na rin agad ang resulta na negatibo ito sa ipinagbabawal na gamot.
Maria Clara..., kinilatis at pinuri…
Ang ganda ng simula ng bagong historical portal fantasy series ng GMA 7 na Maria Clara at Ibarra.
Nasilip ko sa Twitter ng Creative Head ng naturang serye na si Suzette Doctolero na pawang papuri ang comments sa kanilang programa.
Pati ang production design ay kinilatis nila at pinuri rin ito.
Kaya tuwang-tuwa ang buong team ng Maria Clara at Ibarra.
Sabi nga ng ilang bahagi ng cast na sina Ces Quesada at Lou Veloso, dapat na gumawa raw ng ganitong series para sa ating mga kabataan na karamihan ay ‘di sapat ang kaalaman sa ating kasaysayan.
Ginagampanan ni Ces dito bilang si Tiya Isabel, ang pinsan ni Kapitan Tiago na nagpalaki kay Maria Clara. Nagpasalamat siya sa GMA 7 na gumawa ng ganitong kalaking proyekto at naging bahagi pa siya.
Sabi naman ni Lou na gumaganap bilang si Mr. Jose Torres ang professor ni Klay (Barbie Forterza) sa Rizal studies: “Bilang mga tagagawa ng pelikula at mga artista, siguro kailangan may ambag tayo o tulong sa sinasabi ni Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan.
“Pero, hindi pa natin naiintindihan eksakto ‘yung sinasabi ni Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan.
“So, siguro responsibility natin bilang tagagawa o alagad ng sining at pelikula ay mag-ambag kahit papaano na maidi-develop natin at maibubulong natin sa ating mga kababayan na may panahon, marami pang panahon na magkaroon tayo ng ambag sa ating mamamayan, na tayo’y mga Pilipino, mahalin natin ang bansa natin.”
- Latest