ABS-CBN, nakasungkit ng dalawang Silver Quill Awards sa IABC Asia Pacific
Panalo ang Kapamilya Himig Handog songwriting contest at Act As If You Have the Virus internal communications campaign ng ABS-CBN sa prestihiyosong 2022 Silver Quill Awards ng International Association of Business Communicators (IABC) Asia Pacific.
Nakasungkit ng Award of Excellence ang Kapamilya Himig Handog na isang employee songwriting contest na dahilan upang makapaglunsad ang Star Music ng OPM Fresh Songwriters Series Vol. 1 EP tampok ang mga sinulat na kanta ng employee composers na inawit ng sikat na mga singer.
Sa pagkapanalo ng Kapamilya Himig Handog ng Silver Quill Award, nakumpleto nito ang three-peat sa IABC international, regional, at local awards programs. Nagwagi na ito ng Gold Quill Award mula sa IABC sa New York at isang Philippine Quill Award mula naman sa IABC Philippines.
Pinarangalan ang proyekto dahil nakatulong ito sa ABS-CBN na makadiskubre ng bagong composers mula sa mga empleyado. Napapakinggan ang mga awiting tinanghal na top entries sa Amazon Music, Apple Music, Deezer, Spotify, at YouTube.
Samantala, wagi rin ng Award of Excellence ang Act As If You Have the Virus internal communications campaign ng ABS-CBN na nakakuha rin ng international Gold Quill Award mula sa IABC. Kinilala ang proyekto dahil sa malikhaing paggamit nito ng agaw-pansing mga larawan at mapanghikayat na pananalita para ipaalala sa mga empleyado ang kahalagahan ng pagsunod sa health at safety protocols sa opisina.
Kabilang ang dalawang panalo nila sa pitong nanalong entries mula sa bansa sa 2022 Silver Quill Awards ng IABC Asia Pacific na layuning kilalanin ang magagaling na proyekto ng communication professionals sa Asia Pacific. Nasa 23 entries ng business communication professionals mula sa Australia, India, at sa Pilipinas ang binigyan ng Award of Excellence ng IABC Asia Pacific.
- Latest