Cherie Gil, may naiwang TV series
Alam mo ba, Ateng Salve, may TV series pa ang yumaong premyadong aktres na si Cherie Gil na hindi naipalalabas?
Noong 2017 ay may proyekto ang Quantum Films ni Atty. Joji Alonso sa isang production company (na based yata sa Hong Kong), ang Sunshine Inn na naging Unbroken Hearts, na isa sa major cast si Cherie at kasama niya sina Assunta de Rossi at Janine Gutierrez.
Ang alam namin noong una ay sa GMA 7 sila nakikipag-deal para sa proyektong ‘yon kung saan maraming big name stars ang kasama rin, pero hindi na natuloy ‘yon.
Ang karamihan sa location nila ay sa Zambales at matagal-tagal din ang kanilang taping para sa project na ‘yon.
Sa chikahan namin kahapon ni Assunta, napag-usapan namin ang proyektong ‘yon na ang ganda raw kaya sana nga ay maipalabas in the future.
Sabi pa ni Assunta, sobrang bait sa kanya ng yumaong aktres habang ginagawa nila ang nasabing series.
In fairness, ang bongga naman talaga ng mga proyekto ni Atty. Joji, kaya nang i-offer nga niya ang Sunshine Inn na naging Unbroken Hearts ay kaagad nagustuhan ni Assunta.
Nice!
MIM, nagdagdag ng mga sinehan sa Amerika
Kahapon din ay katsikahan ko si Monet Lu, kilalang beauty expert sa Los Angeles, California.
Naikuwento niyang nagdagdag nga ng mga sinehan sa California ang Maid in Malacañang.
Bumili na nga raw sila ng tickets online at manonood ngayon.
So, tama nga ang dialogue ni Boss Vic del Rosario ng Viva Films na magdaragdag sila ng mga sinehan sa Amerika dahil marami ang nagre-request.
Anyway, kahapon ay naglabas ng artcard ang Viva Films kung saan ay in-announce nila na naka-P330 million total gross to date ang Maid in Malacañang.
Marami pa ring mga sinehan ang pelikulang pinagbibidahan nina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Diego Loyzaga, Ella Cruz, Elizabeth Oropesa, Beverly Salviejo at Karla Estrada kaya marami pa rin ang nanonood nito.
Sana nga ang iba pang mga pelikulang Pinoy na ipalalabas sa mga sinehan after ng Maid in Malacañang ay mag-hit din para tuluy-tuloy na ang pagsigla ng Philippine movie industry, huh!
Concert ng Kapuso stars sa Amerika, mabenta ang tickets
Hindi libre ang tickets sa Together Again, ang 17th anniversary concert ng GMA Pinoy TV sa Pechanga Resort Casino sa Temecula, California on Sept. 24 & 25.
Kahapon nga ay nag-announce na si Ms. Anna Puno ng Starmedia Entertainment, Inc. ang namamahala sa nasabing concert na nagsimula na ang bentahan ng tickets para sa concert nina Dingdong Dantes, Bea Alonzo, Lani Misalucha, Julie Anne San Jose at Rayver Cruz.
In fairness, marami na ang nag-unahang bumili ng tickets at kahit ang mga fan ni Bea na solid TFC (The Filipino Channel) ng ABS-CBN, nagsibilihan na rin.
‘Yun na!
- Latest