MIM at Katips, wala pang kasunod sa mga sinehan!
Sa loob ng dalawang linggo, umabot na sa P212M ang kinita ng pelikulang Maid in Malacañang.
May ilang sinehang palabas pa rin ito ngayon, at may mangilan-ngilang ding palabas pa rin ang Katips, pero tig-isang screening lang.
Ayon sa aming source, naka-25M daw itong FAMAS Best Picture ni direk Vince Tanada.
Sa panahon ngayon, sobrang okay na okay na itong kinita ng pelikulang Katips at malamang kumita na diyan si direk Vince.
Maituturing na ring blockbuster hit itong pelikula ni direk Darryl Yap lalo na’t nasa pandemya pa rin tayo.
Sa ngayon nga ay umiikot na sa ibang bansa ang naturang pelikula.
Sa pagkakaalam ko, nasa Dubai si Elizabeth Oropesa para daluhan doon ang premiere night nito.
Ang kaibigan naming si Jun Lalin ay dumalo rin sa screening nito sa Los Angeles, California at nagpapalakpakan daw ang mga tao pagkatapos ng pelikula.
Nabanggit din ng isang kaibigan naming si tito Louie Alejandro na nasa Arizona na pinanood daw niya ang naturang pelikula doon.
Mula Aug. 15 hanggang 17 daw ipinalabas doon sa Arizona, dahil marami ring mga kababayan nating naninirahan doon. Isang screening lang daw sa loob ng isang araw at last full show pa ng alas-nuwebe ng gabi.
Dagdag niyang kuwento sa amin: “Ang theater can accommodate a total of 74 seats at kalahati lang kaming nanonood sa first day.
“This is a beautifully directed and crafted movie at nakakapanghinayang hindi man lang nasuportahan.”
Natatawa lang daw siya sa pakikinig sa komento ng ibang nakapanood na nagandahan daw sila sa pelikula pero hindi lang daw sila sure kung ganun nga ba talaga ang nangyari sa loob ng Malacañang bago umalis ang first family.
Dahil sa magandang resulta sa takilya ng Maid in Malacañang at Katips, inaasahang ganundin ang pagtanggap sa mga susunod na pelikulang iplalabas na ayon sa aming reliable source ay wala pang naka-schedule na ipalalabas sa mga sinehan.
Foreign film na The Fall at Nope ang nagsimula sa mga sinehan nung Miyerkules.
Pero sa local film, sa Sept. 14 pa raw ang kasunod na playdate na naka-schedule sa pelikulang Expensive Candy ng Viva Films na pinagbibidahan nina Julia Barretto at Carlo Aquino.
Sana maganda rin ang pagtangkilik sa naturang pelikula.
4 Kings and a Queen..., mabilis ang bentahan ng tickets
Maganda ang takbo ng ticket sales ng concert na Four Kings and a Queen nina Pops Fernandez, Rey Valera, Hajji Alejandro, Marco Sison at Nonoy Zuñiga.
Parehong mabenta raw ang dalawang araw nito sa Newport World Resorts kaya excited ang hitmakers sa nalalapit nilang show.
Kahit ‘yung apat na shows nila sa Amerika ay pawang sold-out, na inaasahan naman dahil sabik ang mga kababayan natin doon sa performers natin dito.
Ang medyo mahirap bentahan dito dahil mas maraming choices at puwede pang pagkagastusan ng kanilang pera.
Pero mukhang excited din ang local concertgoers sa pagsasama-sama nina Rey, Marco, Hajji, Nonoy at may special participation pa si Pops.
Maganda rin kasing balikan natin ang hit songs noon na pinasikat nila. “I always say music is very very powerful, because music can bring us back to a certain time. Whether it’s a happy moment or a sad moment, ‘di ba?
“Basta ‘pag naririnig natin ‘yung isang kanta na naka-relate tayo nung araw. It either gives us a lot of joy or a lot of pain, and brings back a lot of memories. Meron po akong mga kaibigan na nanood, sila mismo, pagkatapos ng show, nakikita ko lumuluha pa sila,” saad ni Pops.
- Latest