Baguhang direktor, wagi sa 2022 MBC Short Film Festival
Ang pelikulang Daluyong na lahok ng isang baguhang direktor mula sa Quezon Province, ang siyang napiling Grand Prix winner ng 2022 MBC Short Film Festival (MSFF).
Sa ilalim ng direksyon ni Ervie Jay Torzar, ang pelikula ay tungkol sa isang mangingisda sa Atimonan, Quezon na nangangarap maging sikat na rapper, subalit nanganib mawalan ng pag-asa nang mabiktima ng COVID-19 ang kanyang ina.
Tinalo ng Daluyong ang apat pang finalist sa Short Feature category bago nito maungusan ang Kambalingan ni Gio Gonzalvez, na siyang nagwagi bilang Best Documentary, at ang Proud ni Are Jay Peralta, na siya namang naging Best Animated Film. Bilang category winners, tatanggap sila ng tig-isang daang libong piso. Doble ang premyo ni Torzar, salamat sa pagkapanalo nito sa Grand Prix.
Dahil sa nakamit na pinakamaraming online votes mula July 15-29, ang Transfiguration of Marya naman ni Jericho Rimando ang siyang hinirang na Viewers’ Choice. Tulad ni Peralta, si Rimando ay produkto rin ng University of Makati.
Isang batikang hanay ng mga hurado ang inimbitahan ng Manila Broadcasting Company (MBC) upang suriin ang mga pelikula sa taong ito. Pinangunahan ito ng Cannes World Film Festival Best Director na si Epy Quizon, kasama sina Josie Trinidad, head of story ng Disney Animation, at si Agnes Caballa, dating audio-visual specialist ng United States Information Service at ngayo’y creative consultant ng GMA-7. Kabilang naman sa category jurors ang Sundance Grand Prix winner na si Don Josephus Raphael Eblahan, Khavn de la Cruz, Nicole Yulo, Sari Dalena, Jewel Maranan, Miker Rivero, Mars Cabrera, Martin Macalintal ng French Embassy, at Gary Thomas ng British Council.
Ang MSFF 2022 ay inilunsad ng MBC sa tulong ng Dito Telecommunity, Solbac, Beko, Asian Institute of Computer Studies, Zuki by SB Finance, at Alfonso Light Brandy. Mapapanood pa rin nang libre ang 15 pelikulang hinirang bilang finalists sa webpage ng dzrh.com.ph/msff hanggang ika-31 ng Agosto.
- Latest