Mga relihiyoso, pinaboran ang mga madre
Ang social media at mga entertainment pages ngayon, ang laman ay ibang entertainment, ang “mahjong.” Ito ay isang laro na naimbento ng mga Tsino noong late 1800s, at mabilis na kumalat sa Asya at sa buong mundo. Natural na libangan iyang mahjong, pero ngayon pinag-uusapan talaga.
Pumalag ang mga monghang Carmelita sa Cebu dahil sa isang pelikula na kung saan sinasabing habang nagaganap ang rebolusyon sa EDSA, nakikipag-mahjong si Cory Aquino sa isang kumbento ng mga madre.
Iyong mga madre sa pelikula, hindi naman nakaabito ng Carmelite order, pero sabi nga ni Sr. Mary Melanie Costillas OCD, na siyang superior ng Carmelite nuns sa Mabolo, Cebu, “hindi sila nakasuot ng abito ng Carmelita, pero alam ng mga tao na sa amin nagtago si Cory noong panahong iyon. Nagdarasal kami at nag-aayuno para sa kapayapaan noon” hindi nga naman naglalaro ng mahjong. Tingin ni Sr. Mary Melanie, nakakasira iyon sa mga Carmelita.
Kinatigan sila ni Mons. Jeffrey Tan ng Cebu, at maging ni Bishop Ambo David ng Caloocan, at kasalukuyang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na ang pakiramdam, iyon ay paninira sa simbahang Katoliko.
Walang masama sa larong mahjong, iyon nga lang para sabihin mo na naglalaro nang ganoon, at sa dialogue ay may sugal dahil sa salitang “hindi na ako tumodas” ay talagang nakakasira sa mga mongha, at hindi lamang sila kundi lahat ng mga relihiyoso.
Maraming mga pari, mga kaibigan din namin, na nag-post ng statement ng mga Carmelita sa Cebu sa kanilang social media pages. Natural ang ganyang reaksiyon.
Ipagpalagay mong si Cory, at maging si Ninoy, ay sinasabi noong mga mahjongero, katunayan may docu si Howie Severino noon sa GMA 7 na ganyan ang lumalabas at kakuwentuhan pa niya pati mga ka-mahjong ni Ninoy, na may kasama pang tsismis na tuwang-tuwa iyon basta may tsismis na mamamatay na ang dating Presidente Marcos, at nade-depress kung nababalitang lumalakas na naman ang katawan noon.
Bakit naman iyong mga mongha pa ang napili nilang gamitin sa kanilang pelikula?
Pero alam namin ang ugali ng mga monghang iyan, tiyak na ipinagdarasal pa nila ang mga gumawa ng pelikulang iyon.
Fans na kumakalam ang sikmura, hanggang tingin lang sa mamahaling damit ng mga idolo
Mga P13 milyon, ang estimate nilang halaga ng damit at mga alahas ni Heart Evangelista nang magtungo sa GMA party.
Si Alden Richards naman daw ay may suot na relo na halagang P5 milyon.
Ang ibang mga artista sa party ay ganoon din.
Karapatan nila iyon dahil may pera sila, mayayaman sila, mabibili nila kung ano ang gusto nila.
Para lang lumalabas na insensitive ang mga artista dahil maraming naghihirap na biktima ng lindol na hindi malaman kung ano ang magiging buhay nila. May mga taong hindi alam kung may maipambibili pa sila ng P50 isang kilo ng bigas kinabukasan, o kung may mabibili pa nga ba tayong asukal.
Hindi masama kung may kakayahan naman sila, at gagastusin nila ang pera nila. Ang masama lang parang ipinagyayabang pa iyon sa media, nakikita pa ng karaniwang tao at lumalabas nga silang insensitive sa kalagayan ng mga mahihirap na humahanga sa kanila.
Iyon bang mga tumayo sa harap ng appliance store o sa bintana ng kapitbahay para mapanood lamang sila sa telebisyon. Iyong mga tumititig na lang sa harap ng sinehan kung saan palabas ang kanilang mga pelikula, habang kumakalam na ang sikmura.
Lalo lang nating pinalalawak ang gap ng mahihirap at mayayaman, at masakit iyon para sa isang bayang naghihirap.
- Latest