Rachel, namatay ang asong itinuring na anak
Bumalik si Rachel Alejandro sa Pilipinas para sa Rachel Alejandro: Live In Concert na gaganapin ngayong Sabado sa Winford Manila Resort and Casino Ballroom.
Masayang-masaya ang singer-actress dahil muling makapagtatanghal sa harap ng mga manonood pagkalipas ng ilang buwang pamamalagi sa Amerika. “In the past two years medyo nag-stay po kasi ako ng matagal sa U.S. and I am currently doing US concert tour. And karamihan din naman ng mga show ngayon sa U.S. ay nakaplano na no’ng 2020 pa. So parang ngayon biglang natuloy lahat itong mga concert na ito,” bungad ni Rachel.
Marso noong 2020 pa dapat gagawin ang naturang concert ng singer pero hindi na ito natuloy dahil sa pagkakaroon ng lockdown na dulot ng covid-19 pandemic. “Sold out na rin halos ‘yung tickets pero nag-lockdown. Since then lagi naman kaming nag-uusap ng director ng show ko until we finally decided na, ‘Ituloy na natin ‘to,’ kaya ngayong July 30 wala nang atrasan,” kwento niya.
Muling babalik si Rachel sa U.S. pagkatapos ng naturang concert. Matatandaang taong 2011 nang magpakasal ang singer at si Carlos Santamaria na nakabase sa New York.
Hanggang ngayon ay hindi pa nabibiyayaan ng anak ang mag-asawa. “I had a dog but he passed away. So siya na ‘yung pinakaanak ko na. I never had kids. But I have mga nieces and nephews na will probably take over the Alejandro music royalty,” pagtatapos ng singer-actress.
Francine, naitawid ang pakilig nila ni Seth
Aminado si Francine Diaz na nakaramdam nang pagkailang kay Seth Fedelin nang makatambal sa music video para sa kantang Muli ni Ace Banzuelo. Nasanay ang aktres na si Kyle Echarri ang katambal sa mga nagawang proyekto.
Matatandaang si Andrea Brillantes naman ang nakatambal at naging kasintahan ni Seth noon. “Kasi doon may mga yakap, may holding hands, maraming titigan, may mga back hug pa. Ako po, honestly, hindi ko po nagawa ‘yung mga gano’ng scene sa mga pakilig eksena na nagawa ko po before. Pero ‘yon nga po thankful kami na naitawid namin and naging maayos naman ang itsura niya sa lahat ng mga ginawa naming eksena. Pero siyempre po, sa lahat naman po ng binibigay sa amin ni Seth at sa mga maibibigay pa, ginagawa namin ang best namin and siyempre ini-embrace namin ang blessing na napupunta po sa amin,” pahayag ni Francine.
Magbibida rin ang tambalang FranSeth sa Dirty Linen na mula sa Dreamscape Entertainment. Nakahanda umano si Francine sa posibleng sabihin ng mga tagahanga ng tambalan nina Andrea at Seth. “’Yon nga po, hindi pa namin siya masyado napag-usapan kasi kahit kami naman ni Seth, natutuwa po kami. Kasi ini-expect namin na hate ang mare-receive namin noong mismong story con ng Dirty Linen pero kabaligtaran siya,” kwento ng aktres.
Umaasa si Francine na patuloy na matatatanggap ng mga tagahanga ang kanilang bagong tambalan ni Seth. “Tinanggap kami ng mga tao, ‘yung tandem namin ni Seth and nakakatuwa po. Hindi po kami mapagpatol sa mga basher and hindi naman ibig sabihin noon na wala kaming pake sa kanila. Siyempre po may mga pagkakataon na nakaka-affect po sa feelings po namin kasi ‘pag nag-judge sila sa amin, parang kilalang-kilala nila kung sino kami at parang nakasama namin sila sa buong buhay namin. Sabi po nila, maging mabuti ka sa mga hindi mabuti sa ‘yo. So ‘yon po ang ginagawa po namin,” pagbabahagi ng dalaga. (Reports from JCC)
- Latest