FDCP, planong hawakan ang MMFF?!
Hindi dapat magkaroon ng confusion sa industriya ngayon.
Maliwanag pa rin naman na si Tirso Cruz III ang siyang mamumuno sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa loob ng susunod na termino, iyon nga lang inilagay sa isang holdover capacity ang dating chairman habang wala pa ang papeles ni Pip.
Paglabas ng papeles, si Pip na ang manunungkulan. Maganda naman iyan para kay Pip dahil napaghahandaan niya nang husto ang bago niyang trabaho. Mapag-aaralan na rin niya kung ano ang dapat gawin ng kanyang ahensiya base sa mandato roon ng batas.
In the past, may mga nabalita na gusto ng FDCP na isailalim sa kanila ang Metro Manila Film Festival sa halip na ang Metropolitan Manila Development Authority. Para patunayan siguro ang kanilang kakayahan, nag-organize rin sila ng maliliit na festivals.
Pero malaki ang kaibahan ng film festivals nila na hindi kumersiyal ang mga pelikula. Una, kung hindi kikita ang festival, kagaya nga noong minsang pinanghimasukan na nila ang entries, papaano na ang beneficiaries na umaasa sa kikitain ng festival. Maraming umaasa diyan na iyon lang ang pinagkukunan ng pondo, ‘di gaya ng FDCP na may budget sa ilalim ng GAA sa Office of the President.
Kung sabagay dapat talaga ay isauli na sa pamamahala ng industriya ang MMFF na iyan, dahil mas alam ng industriya ang dapat gawin. Hindi iyong puro sila eksperimento. Isipin ninyong gawin ang parada ng mga artista sa Pasig River?
Ang dapat sa industriya ay iyong nakakaalam ng takbo noon. Industriya ito, at marami ang umaasa sa kita niyan.
Ate Vi, hindi naghahabol sa filmfest
Tahimik pa rin si Ate Vi (Vilma Santos) kung makakatapos siya ng kahit na isang pelikula sa taong ito. Kung sa bagay, naniniwala ang kanyang fans na kung may magugustuhan nga siyang project, mahaba pa ang panahon at makagagawa pa siya ng isang pelikula para sa festival.
“Actually hindi naman ako naghahabol sa festival. Palagay ko maraming pelikulang gustong sumali ngayon. Kung festival, hindi ka rin makakapili ng sinehan. Limited din ang sinehan na lalabasan ng pelikula mo, kasi hati-hati kayo.
“Sinasabi naman ng mga beteranong producers na kailangan ang maraming sinehan at kung maaari ay mailabas simultaneous sa buong Pilipinas dahil iyan lang ang panlaban natin sa piracy. Kasi basta inilabas mo sa Metro Manila, sa experience natin tanghali pa lang may pirated copy na.”
Dagdag pa niya : “Kinabukasan hanggang Baguio, at hanggang Mindanao may pirated na. Kung simultaneous sa sinehan, at masasabayan mo ang mga pirata, sino pa ang bibili ng mga pirated at malalabong video nila. Kaya tama rin ang paniniwala nila na kung kikita ang pelikula mo, medyo iiwas mo na sa festival,” sabi ni Ate Vi.
“Pero siyempre depende iyan sa producers mo. Sila ang gagawa ng desisyon eh. Basta ako naghihintay pa kung mayroong mas magandang material na makapagsisimula ulit ng aking showbiz career,” pagtatapos ni Ate Vi.
- Latest