Rey, aminadong tiyuhing konsintidor na ang peg
Mapapanood na tuwing Sabado simula July 16 ang Sing Galing Kids sa TV5.
Mula Sing Galing na napapanood naman tuwing Lunes, Martes at Huwebes ay magiging Jukeboss din si Rey Valera para sa mga batang contestants o Sing Kulits ng bagong programa ng Kapatid network. “Dito sigurado ang papel ko parang tiyuhin na konsintidor. Basta kung tawagin n’yo ako Dadudes magkakasundo tayo. Maraming bago dito, pabata nang pabata ‘yung mga kasama ko eh. Meron kaming mga kasama dito sina Tyronia at Yoyo (Junior Singtokers). Kasama namin si Morissette at Gloc 9. Siyempre si Morissette naman hindi iba sa akin. Kumakanta ng Sinasamba Kita ‘yan eh. Si Gloc 9 naman madalas kami magkasama niyan sa TV. Siyempre kasama din natin si Ethel Booba at Jona. Siyempre hindi mawawala sina Randy Santiago, K Brosas at Donita Nose. Ako lang yata ang pinakamatanda dito talaga,” nakangiting pahayag ni Rey.
Para sa music icon ay kailangang pakaabangan ng mga manonood ang Sing Galing Kids dahil talagang kagigiliwan ang contestants ng programa. “Ang maganda dito, imagine-in mo ang tagal-tagal na natin hindi nakakapanood ng mga bata, since when? Kaya nakaka-miss sila eh. Magkikita-kita tayo ulit, ang saya nito. Kaya palagay ko tuloy na invasion ng mga bata. Imagine mo natapos na pandemya, eto na sila. Nako! Jusko, good luck,” nakangiting dagdag ng singer-composer.
Kaabang-abang din ang gagawing istilo ni Rey sa pagiging Jukeboss sa mga bata. Masarap umano sa pakiramdam ng OPM icon ang makausap at makitaan ng iba’t ibang talento ang Sing Kulits. “Kapag nakakakita tayo ng bata na nagpapakita ng talent parang biglang bumubukas ‘yung araw natin, lumiliwanag. Nagwa-wonder ka, halo-halo, parang bumabata ka din. Para bang nakikita mo ‘yung future niya ngayon pa lang. Meron ka na agad parang pini-predict, ‘Itong batang ito, sisikat ‘to.’ Kaya kadalasan tayo eh, saka ‘pag may batang kumakanta, parang may anghel na kasama tayo ‘pag kumakanta ang bata. Ibang-iba eh, ibang klase ‘to. At saka hindi lang iyon, siyempre ang mga bata, sila siyempre ang papalit sa amin. Ang OPM tutuloy dahil sa kanila. Siyempre ang kabataan ang future natin,” paliwanag niya.
Ayon pa sa Sing-nior Hitmaker ay malaki rin ang naitutulong sa mga bata nang pagsali sa mga patimpalak katulad ng Sing Galing Kids. Siguradong dadalhin ng contestants sa kanilang paglaki o pagtanda ang masayang karanasan o alaala sa programa. “Bukod sa nade-develop ‘yung personality, nagkakaroon sila ng idea kung paano iha-handle ‘yung pressure. Hindi ‘yung ‘pag lumaki at saka ‘pag sumabak hindi na makakilos. Tandaan n’yo itong sasabihin ko, kumanta kayo sa harap ng mga tao. Malilimutan n’yo ‘yung ginawa n’yo ng how many years pero ‘yung moment na ‘yon hindi n’yo malilimutan. Isang magandang memory ‘yan,” pagtatapos ng OPM icon.
(Reports from JCC)
- Latest